Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Pasig City Police para sa ikadarakip ng driver na nag-hit-and-run sa kanilang imbestigador sa Barangay Caniogan, Pasig City, nitong Linggo ng gabi.

Ayon sa Pasig City Police, dapat mapanagot ang driver ng isang itim na Toyota Vios, hindi naplakahan, na nakasagasa sa kanilang tauhan na si SPO2 Rolando S. Anselmo, Jr., 40, ng Barangay Sumilang, Pasig City.

Kasalukuyang nagpapagaling si SPO2 Anselmo sa The Medical City, taliwas sa unang ulat na siya ay nasawi sa naturang aksidente.

Sa ulat ni PO2 Jerry Balansay, ng Pasig City Police, naganap ang insidente sa northbound ng C. Raymundo Avenue sa Bgy. Caniogan, dakong 7:30 ng gabi.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Una rito, sakay ang biktima sa kanyang Yamaha Mio motorcycle at binabagtas ang naturang lugar kasunod ang Toyota Vios na minamaneho ng suspek.

Gayunman, pagsapit sa naturang lugar ay bigla umanong huminto ang isang bisikleta na nauuna sa motorsiklo ng biktima kaya biglang pumreno ang pulis.

Dahil dito, nawalan ng kontrol ang biktima at sumemplang sa motorsiklo hanggang sa nasagasaan ng Toyota Vios.

Sa halip na huminto, tumakas ang driver ng naturang kotse.

-Mary Ann Santiago