Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar ang isa sa mga suspek sa pagpatay sa 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) sa Maguindanao, ilang taon na ang nakararaan.

Hawak na ngayon ng grupo ni Senior Supt. Edwin Wagan, hepe ng Maguindanao Police Provincial Office (MPPO), si Rolando Samal, alyas “Blackmoro Samal” at “Rex Samal”, ng Barangay Manungkaling, Mamasapano, Maguindanao.

Isinagawa ang pag-aresto nang salakayin ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at mga sundalo na miyembro ng intelligence force, ang bahay ni Samal.

Nasamsam kay Samal ang isang .45 caliber pistol at mga bala.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Bitbit, aniya, nila ang warrant of arrest na inilabas ni Regional Trial Court (RTC) 12-Branch 15 Judge Alandrex Betoya sa kasong direct assault with murder (44 counts) na walang piyansa.

Sinabi ni Wagan na may kinalaman sa madugong engkuwentro ng SAF, Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano, noong Enero 25, 2015.

Matatandaang nagsagawa ng operasyon ang SAF sa bayan ng Mamasapano laban sa Indonesian terrorist na si Zulkipli Bin Hir alyas “Marwan” nang sumiklab ang engkuwentro.

Napatay ng raiding team si Marwan ngunit nakabakbakan nila ang mas malaking puwersa, sa hinalang nagsanib ang MILF, BIFF, at iba pang pribado na armadong grupo.

-Fer Taboy