MULING matutunghayan ang tinaguriang pista ng mga pista sa Pilipinas sa pamosong “Parada ng Lechon” ng Balayan, Batangas ngayon (Hunyo 24).
Matatakam habang nakikisaya ang mga local at foreign tourists sa pagparada ng daan-daang lechon na isinasagawa bilang paggunita sa matandang tradisyon ng taga-B alayan at paraan ng pasasalamat sa Patron na Saint John the Baptist sa masaganang pamumuhay na natatanggap ng mga mamamayan sa Kanluran district (western Poblacion) na tanyag din sa masarap na Bagoong Balayan.
Para sa pagdiriwang ngayong taon, makikiisa sa 'Parada ng Lechon' sina Special Assistant to the President (SAP) Sec. Bong Go, Sen. Cynthia A. Villar at Cong. KarloNograles, kinatawan ng 1st District of Davao City.
Sa kasaysayan ng pananakop ng Espanya at ng Amerika, ang Balayan ay isa sa mahirap na kanayunan at ang ilang nakakaangat na pamilya ay magsasagawa ng parada ng lechon sa Plaza tuwing Enero 24 bilang pasasalamat sa biyayang natanggap.
Pinagsasaluhan ng mga mamamayan ang mga naihanda matapos ang isinasagawang misa sa simbahan, Kasabay ng parada, masayang nagbabasaan ang bawat isa tanda nang pagtanggap sa Kristianismo na inilalarawan sa binyag ng Patron na Saint John the Baptist.
Mula noon hanggang ngayon, pinakaaabangan ang naturang tagpo at dinadayo ang pista upang makiisa sa tradisyon na tunay na sumasalalim sa pagiging mananampalataya ng mga Pilipino,
Sa paglipas ng panahon, dumarami ang nakikiisa sa parada bilang bahagi ng kanilang pasasalamat at sa paglaki ng bilang ng mga nakikilahok tunay na naging tourist attraction ang 'Parada ng Lechon' na tunay namang nagpatanyag sa lalawigan.
Noong 1959, nagbuo ang mga nakatatanda ng Hermandad San Juan Bautista (Brotherhood of St. John the Baptist) upang siyang mangasiwa ng programa na kalaunan'y napatanyag na 'Parada ng Lechon' sa Balayan, Batangas.
Maging ang mga miyembro ng media ay namangha sa kasiyahang hatid ng 'Parada ng Lechon ' kung kaya't natawag itong “the most hospitable and unique fiesta celebration in the country” dahil na rin sa msasayang aktibidad bukod sa parada.