Magiging malaking bagay kung madadagdag si dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa senatorial slate ng oposisyon sa mid-term elections sa susunod na taon.

Ipinalabas ni Sen. Francis Panglinan, presidente ng Liberal Party (LP), ang nasabing pahayag makaraang pinal nang magpasya nitong Martes ang Korte Suprema pabor sa naunang pasya na kumatig sa quo warranto petition laban kay Sereno.

“And if she’s willing to help us lead, and she wishes to lead the opposition, we welcome all efforts at uniting the opposition so that we have a strong pushback in defending and upholding our democratic rights,’’ sinabi ni Pangilinan sa mga Senate reporter.

Sinabi ni Pangilinan na hindi pa niya nakausap si Sereno kung may planong pulitikal ba ito kasunod ng pinal na pagpapatalsik dito sa puwesto nitong Martes.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“She (Sereno) would be a good candidate sa aking palagay. We need strong women sa ating ticket at sa kagustuhan nating magkaroon na matibay-tibay at malakas na opposiyon,’’ paliwanag ni Pangilinan.

Aniya, nakikipagpulong na ang LP sa mga posibleng kandidato sa pagkasenador sa susunod na taon upang mapunuan ang 12-man slate bago ang deadline ng paghahain ng kandidatura sa unang linggo ng Oktubre.

Kinumpirma naman ni Pangilinan na kabilang na sa mga tiyak na pasok sa senatorial slate ng LP sina incumbent Sen. Paolo Benigno Aquino IV, Party List Rep. Gary Alejano, ang mga dating kongresistang sina Erin Tañada at Barry Gutierrez, at Dean Chel Diokno ng De La Salle University, College of Law.

Sinabi rin niyang wala pang desisyon ang aktres na si Agot Isidro sa alok nilang kumandidato rin ito para sa LP.

-Mario B. Casayuran