Pinal nang ibinasura ng Supreme Court ang apela ng napatalsik na si chief justice Maria Lourdes Sereno na humihiling na mabaligtad ang naunang pasya ng en banc sa quo warranto petition laban sa kanya.
Sa botong 8-6, pinagtibay ng Mataas na Hukuman ang nauna nitong pasya na pumapabor sa quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida dahil sa kabiguan ni Sereno na makasunod at magsumite ng tamang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) nang siya ay mag-apply bilang punong mahistrado.
Ayon sa SC, walang merito ang apela ni Sereno kayat pinal na ang desisyon.
Sinabi kahapon ni Senate President Vicente Sotto III na dahil ibinasura ng SC ang motion for reconsideration ni Sereno dahil nawalan ng saysay ang panukalang Senate resolution na naggigiit sa awtoridad ng Kongreso kaugnay sa pagtanggal sa CJ.
“It becomes moot,” ani Sotto sa text message nang tanungin kaugnay sa kahihinatnan ng resolution.
Ang panukalang Senate Resolution No. 738, nilagdaan ng 14 senador, kabilang si noo’y Senate chief, Senator Aquilino “Koko” Pimentel III, ay nagigiit na tanging ang Kongreso ang may kapangyarihan na patalsikin sa puwesto si Sereno sa pamamagitan ng impeachment proceedings.
“It might no longer [serve] its purpose, unless some members would still pursue discussion,” aniya.
Ngunit sa hiwalay na text message, sinabi ni Pimentel na maaari pa rin nilang talakayin ito at bumoto para i-adopt ang resolution sa pagbabalik ng kanilang sesyon sa Hulyo.
“’Sense of the Senate’ resolution simply states the sense of the Senate on a certain matter. It’s not meant for any other purpose. Hence, it can be passed anytime depending on the sense of the majority,” aniya.
MALABO NA
Aminado naman si Senate minority leader Franklin Drilon na “malabo” nang maisulong ang resolution ngayong pinagtibay na ng SC ang pagpapatalsik kay Sereno dahil mawawalan na ng ganang makipagdebate ang mga senador.
“Technically puwede pa rin namin ipasa ang sense of the Senate resolution which expresses the sense of the Senate insofar as the quo warranto is concerned,” ani Drilon sa panayam ng mga mamamahayag.
Hindi na rin nagulat si Drilon sa desisyon ng SC: “I’m not surprised. It’s difficult to reverse a decision rendered by a majority.”
Umaasa na lamang si Senator Joseph Victor “JV” Ejercito, na sa hinaharap ay babalikan ng Mataas na Korte ang 8-6 ruling na ito at itama ang desisyon, “which effectively encroached upon the prerogative of the legislative department.”
Naniniwala naman si Sen. Antonio Trillanes IV na si Pangulong Rodrigo Duterte ang nasa likod ng desisyon.
“Duterte, once again, succeeded in destroying another bulwark of our fragile Democracy, the Supreme Court. Now, only half of the Senate stands in his way from completely installing his ruthless and corrupt authoritarian regime,” aniya sa mga mamamahayag
-BETH CAMIA, VANNE ELAINE P. TERRAZOLA, HANNAH L. TORREGOZA at LEONEL M. ABASOLA