SA kanyang talumpati sa Clark Free Zone sa Pampanga nito lang nakaraang Martes, sinabi ng Pangulo na nais niyang ang lupain sa Boracay ay ipamahagi sa mga katutubo upang maibenta nila sa malalaking negosyante para sila ay magkapera. Ginawa niya ito pagkatapos niyang aprubahan ang pagsasara ng Boracay sa loob ng anim na buwan mula April 26. Ang dahilan, marumi at nasalaula na ang lupa at tubig nito. Nauna niyang sinabi na isasailalim niya halos ang isla sa land reform at maiiwan lang ang maliit na bahagi nito para sa turismo. Isang banyaga na nanirahan na sa Boracay ng 25 taon at tinawag na nga niya itong kanyang tahanan ay nagsabi: “Ngayon malinaw na ang pagsara sa Boracay ay hindi para sagipin kundi para lang linisin ito.” “Maraming mga tao, lalo na ang mga naninirahan sa Boracay ang mawawalan ng lupa at bahay kung ang lupa ay ipamamahagi at ibebenta sa investor,” sabi naman ni Yolanda Alejado, residente ng Boracay at isa sa mga organizer ng grupong We Are Boracay.
Noon pang isara ang Boracay, kadudaduda na ang layunin ng Pangulo na sagipin ang Boracay. Kasi, pagkatapos niyang ideklara na ipasasara ito, mayroon na palang isang kompanya ng resort at casino ang pinayagan na ng Philippine Games and Amusement Board (PAGCOR) na makapagpatayo ng casino sa isla. Ang kompanyang ito, ayon sa ulat, ay pinakamalaki sa buong daigdig na ang pangunahing negosyo ay magtayo ng casino. Nang kapanayamin si PAGCOR head Andrea Domingo at tanungin kung ano ang mangyayari sa kompanyang ito na pinayagan nang magpatayo ng casino sa isla gayong ipinasara na ang Boracay at ipinagbawal na ng Pangulo ang pagpapatayo ng casino, matalino raw ito at maiintindihan niya ang higit na makabubuti sa bayan.
Talagang matalino ang Pangulo. Binigyan niya ng katanggap-tanggap na katwiran ang kautusan niyang ipasara ang Boracay. Kinonsulta pa ang mga ahensiya ng gobyerno at ang mga maaapektuhang tao tungkol sa panahong itatagal ng pagsara na sapat para sa layuning sagipin ang isla. Hindi nagtagal, pagkatapos isara ang isla at maitaboy ang mga tao doon at masira na ang mga istruktura, publikong sinabi ng Pangulo na isasilalim niya sa land reform program ito at ipamamahagi sa mga magsasaka.
Ngayon, ipapamahagi niya sa mga katutubo ang lugar para ibenta nila ito sa mga malaking negosyo para magkapera sila. Ito ang paraan sa pagsira niya sa kanyang pangako na ipala-land reform niya ang Boracay. Ito rin ang epektibong paraan upang mapagbigyan ang malaking kompanyang pinahintulan ng PAGCOR na makapagpatayo ng casino sa isla. Maaaring ito ang isa sa mga malaking negosyong binanggit ng Pangulo na pagbebentahan ng mga katutubo ng kanilang mababahaginan sa kanyang programa. Ang casino ay bukas sa lahat, manlalarong local at banyaga. Samantala, ang mga itinaboy na dating nakinabang sa Boracay lalo na iyong may malaking puhunan, tanungin ninyo ang Pangulo. Ano ba talaga ang magiging katayuan namin ngayon pagbukas ng Boracay?
-Ric Valmonte