Pinipilit ng mga tauhan ng Chinese Coast Guard ang mga Pinoy na mangingisda na magbigay ng pinakamagaganda nilang huli bilang “toll fee” umano sa paglalayag sa Panatag Shoal.

Ito ang sinabi kahapon ni Masinloc, Zambales Mayor Arsenia Lim matapos matanggap ang ulat ng puwersahang pagkumpiska sa malalaking isdang nahuhuli ng mga Pinoy sa Panatag Shoal o Bajo de Masinloc.

Ayon sa alkalde, ang nangyari ay maihahalintulad sa toll system at hindi sa barter trade, sa laot.

“Parang may passway, may toll sa gitna ng karagatan. ‘Yung hinihingian sila ng isda,” pahayag ng alkalde nang magtungo sa Malacañang kahapon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi rin ng alkalde na minabuti na lamang ng mga mangingisda na ipaubaya sa Chinese Coast Guard ang mga nahuli nilang isda upang wala nang away.

Aniya, ayaw din ng mga mangingisda na mawalan sila ng karapatang makapag-ahon sa nabanggit na fishing ground.

Nanawagan si Lim kay Pangulong Duterte na bigyang proteksiyon ang kapakanan ng mga mangingisdang Pinoy.

“Hinihiling namin kay Presidente na mapangisda sila na hindi nabu-bully, at sa oras ng malakas ang hangin ay makasilong sila sa lagoon. Sana, makapangisda nang maayos ang aking mga kababayan at nang hindi sila nasasaktan,” apela ng alkalde.

Pinagso-sorry naman ni Senator Bam Aquino ang China kaugnay ng insidente kung wala naman palang plano ang ating gobyerno na maghain ng diplomatic protest laban sa China.

Sa halip, ayon sa senador, maaari naman sigurong payuhan ang China na humingi ng tawad sa sinasabi nitong kaalyadong bansa—ang Pilipinas.

“Dapat maghain ng pormal na protesta ang pamahalaan laban sa ginawa ng Chinese Coast Guard sa ating mga mangingisda. Pero kahit sorry, hindi man lang hiningi,” ani Aquino.

-Genalyn D. Kabiling at Leonel M. Abasola