Nasa 195 katao na ang naitalang namatay sa dengue sa unang limang buwan ng 2018, ayon sa Department of Health (DoH).

Isinapubliko ng DoH ang nasabing impormasyon kasabay ng paggunita kahapon sa ikawalong taon ng ASEAN Dengue Day, na may temang,“Kung Walang Lamok, Walang Dengue: Mag-4S Kontra Dengue”, na idinaos sa Puerto Princesa City, Palawan.

Nilinaw ng kagawaran na noong Enero 1-Mayo 26 ngayong taon ay umabot na sa 37,959 ang naitalang dengue case sa bansa, at 195 sa nabanggit na bilang ang kumpirmadong namatay.

Gayunman, sinabi ng DoH na mas mababa ito ng pitong porsiyento sa 40,993 naitalang kaso ng dengue sa katulad na petsa noong 2017.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Pinakaapektado ng sakit ang nasa 10-14 anyos, at karamihan sa mga nabiktima, o 52 porsiyento, ay mga lalaki.

Pinakamarami pa ring tinamaan nito sa National Capital Region (6,493 kaso), Calabarzon o Region 4A (6,296), Central Luzon o Region 3 (5,997), Northern Mindanao (2,540), Western Visayas (2,314), at Central Visayas (2,241).

Kaugnay nito, nanawagan muli sa publiko si DoH Secretary Francisco Duque III na maging mapagmatyag sa pagsugpo sa dengue sa pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran.

“Our goal to prevent dengue starts within ourselves by maintaining cleanliness in our surroundings by emptying containers of stagnant waters to eliminate breeding places of Aedes Aegypti mosquitoes,” anang kalihim.

Giit pa niya, ang 4S Kontra Dengue, o ang “Search and destroy mosquito breeding places, Secure self-protection, Seek early consultation at Support fogging/ spraying only in hotspot areas,” na ipinatutupad nila ay isang epektibong estratehiya para makaiwas sa nakamamatay na sakit.

-Mary Ann Santiago