Aabot sa P163 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasamsam ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa magkamag-anak sa Sta. Ana, Maynila, nitong Martes ng gabi.
Ayon kay NCRPO Director Guillermo Eleazar, nasamsam ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) ang kilo-kilong kontrabando sa luggage nina Ian Akira Calabio, alyas Ian, 26; at Ruby Calabio, 61, ng No. 2641 Interior 21, Pasig Line, sa Barangay 778, Zone 85, Sta. Ana, Maynila.
Nasamsam din sa magkamag-anak ang pake-paketeng drogang isinilid sa Chinese tea bags; tatlong pakete ng umano’y shabu; silver luggage bag na may isang kilo ng umano’y shabu; at P30,000 marked money.
Nakapiit ang mga suspek sa Camp Crame at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Manila City Prosecutor’s Office.
Ayon kay PNP chief, Director General Oscar Albayalde, posibleng galing sa China ang droga.
-JUN FABON at ORLY BARCALA