Ni Bella Gamotea
Napapaaga ang pagpapatupad ng big-time oil price rollback nitong nakalipas na mga araw, at ang huli ay magiging epektibo ngayong Linggo, sa halip na sa Martes pa.
Sa pahayag ng Petron, epektibo dakong 6:00 ng umaga ngayong Linggo, Hunyo 3, ay magtatapyas ito ng P1.20 sa kada litro ng gasolina, P1 sa kerosene, at 90 sentimos naman sa diesel.
Unang nagpatupad ang Phoenix Petroleum Philippines Inc. nitong Biyernes ng gabi ng price rollback, makaraang magbawas ng P1.40 sa kada litro ng gasolina, at P1 naman sa diesel.
Asahan na ang pagsunod ng iba pang kumpanya ng langis sa kahalintulad na bawas-presyo, na bunsod ng bunsod ng pagbaba ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan, at pagdami ng supply nito.
Mayo 8 nang huling nag-rollback ng 60 sentimos ang oil companies sa kada litro ng kerosene, at 30 sentimos naman sa diesel at gasolina.