BAGUIO CITY -- Simula na ang umaatikabong bakbakan sa Luzon finals ng Philippine Sports Commission (PSC) Pacquiao Cup ngayon sa Malcolm Square Park dito.
Magtatagisan ng lakas ang mga kabataang boksingero na may edad na 17-anyos pababa sa boys and girls division kung saan nakataya ang slots para sa National Finals.
Pasisinayaan ni Baguio City Mayor Mauricio G. Domogan ang opening ceremonies kung saan ay panauhing pandangal din ang boxing pride at 1996 Atlanta Olympics silver medalist Mansueto “Onyok” Velasco.
Magbibigay din ng kanyang maikling mensahe si Supervising Technical Director Rogelio Fortaleza.
Ayon Kay Fortaleza, inaasahan nila na mahigpit ang labanan sa araw na ito kung kaya’t inatasan ang mga miyembro ng organizing committee na maihanda ang lahat nang pangangailangan sa torneo.
“This is going to be an exciting game. Kasi slot na sa national finals ang pinaglalabanan dito. And from here pwede tayo makahanap ng mga next Manny Pacquiao,” ayon Kay Fortaleza.
Kabilang sa mga siyudad sa Luzon na irerepresenta ng 12 batang boksingero ay ang mga lugar ng Mandaluyong, Camarines Norte, Camarines Sur, Binan City, Bulan Sorsogon, Sorsogon Province, Tayabas, Olongapo at Baguio City.
-Annie Abad