NAKATAKDANG magsagawa ng special board meeting ang PBA ngayon upang pag-usapan ang partisipasyon ng liga sa pagbuo ng Gilas Pilipinas para sa darating na Asian Games sa Agosto 8 hanggang Setyembre 2 sa Indonesia.

Inaasahan ding mapag-uusapan ang ilang mga kasalukuyang problema na kinakaharap ng liga.

Isa na rito ang doping suspension na ipinataw ng Fiba kay Gilas Pilipinas player Kiefer Ravena para alamin ang magiging epekto nito sa liga at sa national team.

Sa di sinasadyang pangyayari, nagpositibo si Ravena sa tatlong banned substances makaraang pumailalim sa random drug test matapos ang laban ng Gilas kontra Japan sa second qualifying window para sa 2019 Fiba World Cup noong Pebrero.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang nasabing 18-month ban ay naglagay din sa alanganin sa PBA na nagsasagawa din ng random drug tests ngunit sakop lamang nito ang mga recreational drugs at wala silang sanctions para sa mga banned substances ng World Anti Doping Agency.

Bagama’t bahagi ang PBA ng FIBA dahil affiliated sila sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), walang anumang PBA rule na nilalabag si Ravena para suspindihin din ito ng liga.

May posibilidad din na maging negatibo ang epekto ng suspensiyon ni Ravena’ sa iba pang PBA teams upang ipahiram ang kanilang mga players sa national team..

Dahil dito, masusing tatalakayin ang partisipasyon ng PBA sa Asian Games.

-Marivic Awitan