Naniniwala si Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice, ang sinasabing pinakatapat na miyembro ng Liberal Party (LP) sa Kamara, na kakandidato sa mid-term elections sa 2019 ang dati nilang standard bearer na si Mar Roxas.
Sa lingguhang press conference ng “Magnificent Seven” kahapon, hiningi ng mga mamamahayag ang opinyon ni Erice hinggil sa umano’y pag-aalinlangan ng dating senador na kumandidato sa eleksiyon sa susunod na taon.
“Siguro nasa process pa siya ng pag-aaral. Siguro iniisip niya kung gusto ba siya talaga ng mga mamamayang Pilipino,” lahad ni Erice. “Kung sa tingin niya hindi siya mananalo, bakit naman siya lalaban?”Gayunman, sinabi ng Caloocan solon na maaaring kailangan pa ni Roxas ng panahon bago makapagdesisyong sumapi sa Senate hopefuls sa ilalim ng “yellow” banner.
“Sa palagay ko sa bandang huli hindi siya makakaiwas sa tawag ng bayan,” sabi ni Erice. “He is [a] very loyal and dedicated member of the LP.”Kamakailan ay inilabas na ni LP President, Senator Francis Pangilinan ang listahan ng tinatawag na “Resistance Slate” para 2019, at wala ang pangalan ni Roxas sa partial list.
-Ellson A. Quismorio