Cebu City, nangunguna sa PNG medal standings
NAGA CITY, Cebu – Hindi binigo ni Hidilyn Diaz ng Zamboanga City ang inaasahan ng mga sports officials nang angkinin ang Open Women’s 58kg. category ng weightlifting event ng 9th edition ng Philippine National Games (PNG) dito.
Nagtala ng kabuuang 205 kgs. na nabuhat ang Rio Olympics silver medalist sa matikas na kampanya sa snatch, gayundin ang clean and jerk events. Bumuhat ang 24-anyos St. Benilde managemet student na si Diaz ng 90kg sa snatch at 115 kg sa clean and jerk.
“Matagal po akong hindi nakapaglaro sa PNG, I think last 2004 pa po ako nakapaglaro. Pero, kondisyon naman tayo kaya masaya po ako kasi nakatsamba,” mapagpakumbabang pahayag ni Diaz.
Kabilang si Diaz sa ‘priority athletes’ na binibigyan ng matinding suporta ng pamahalaan para sa paghahanda sa international tournament kabilang ang qualifying meet para sa 2020 Tokyo Olympics.
Inamin ni Diaz na bahagi ito ng preparasyon niya para sa nalalapit na Asian Games ngayong Agosto sa Indonesia.
“Hindi po muna ako nag enroll sa school para dito sa PNG at sa Asian Games kasi pukpukan po ang training ko,” sambit ni Diaz.
Nakuha naman ng kakampi ni Diaz na si Dessa Delos Santos ang silver medal sa kanyang naitalang 170 kgs. buhat sa kanyang 75 kgs. sa snatch at 90 kgs. sa clean and jerk.
Pumuwesto naman sa ikatlo ang pambato ng Quezon City na si Daryl Banana sa kanyang 119 kgs. mula sa 57 kgs. sa snatch at 62 kgs. naman sa clean and jerk category.
Nakamit naman ng mga tankers na pambato ng Sta.Rosa Laguna at General Santos City na sina Nicole Meah Pamintuan at Camilo Russel Owen La Torre ng General Santos City ang ika-apat na gintong medalya sa kanilang nilahukang kategorya sa swimming event sa Cebu City Sports Center.
Matapos na mag-uwi ng tatlong gintong medalya buhat sa 200m Individual medley, 100m individual medley, at 50m Individual medley sa unang araw ng kompetisyon nailista ni Pamintuan ang ikaapat na ginto sa panalo sa 100m backstroke sa tyempong 1:09.81.
“Medyo nagagamay ko na po ulit yung langoy ko. Masaya po ako kasi kahit nagkasakit ako noong bago mag start ang kompetisyon, nakuha ko pa rin na maka gold so i am very thankful,” pahayag ng 18-anyos na si Pamintuan.
Nakamit din ni La Torre ang apat na ginto kung saan idinagdag niya ang 400 Individiual medley event sa naunang naipanalo sa 100m freestyle (57.87), 1,500m freestyle (18:21.03) at 400m freestyle 4:28.49.
“Happy po ako sa performance ko. hindi ko po ini expect kasi gusto ko lang po maglaro pero ang laking pasalat ko po talaga kasi naka gold ako hindi lang isa kundi apat pa,” pahayag ng 16-anyos na pambato ng GenSan.
Posibleng maragdagan pa ang gintong medalya na maaring maiuwi ng batang si La Torre gayung, nakatakda na muling sumabak ito sa 800 IM at 200IM.
Sa Cycling pinangunahan ng pambato ng Cebu City na si Nino Surban ang karera sa 25 kilometers men’s elite Cross Country event kung saan nakuha tapusin ang tut sa 1:06.34.
Kasunod ni Surban sina Edmhel John Flores ng Marikina City at Cesar Lapaz jr ng Butuan City na naglista ng 1:08.09 at 1:09.06 para sa silver at bronze medal, ayon sa pagkakasunod.
Nanaig naman ang bilis ni Jericho Rivera ng Marikina City sa men’s junior’s Cross Country event matapos nitong pagharian ang 15 kilometer event para sa kanyang unang gintong medalya sa oras na 40.57.
Sa shotput, nakasungkit ng ginto si Ainah Marie Masangkay ng Taguig City sa naibatong 10.32 metrong layo, kasunod si Kharylle Perez ng Pangasinan (10.26) at Ma. Ellane Herrera (9.41).
Sa kabila ng mahigpitang labanan, humakot na ng 15 gintong medalya, 16 silvers at 47 bronzes ang host city ebu upang pangunahan ang medal standings habang nakabuntot ang Baguio City (9 -10-10) at General Santos City tangan ang (8-11-9), Zamboanga City ( 8-1-4) at Manadaluyong City (7-3-3).
-ANNIE ABAD