TINANGHAL na quadruple gold medal winners sina Arman Diño at Anthony Peralta habang nagtala naman si Evaristo Carbonel ng bagong national record sa men’s discus throw sa pagtatapos ng PSC-PHILSPADA National Paralympic Games sa Marikina Sports Center kahapon.

Kinatawan ang Cebu City, napanalunan ni Diño ang T 46-47 men’s 200-meter gold sa tiyempong 23.96 segundo para sa ikaapat niyang gold medal sa pagtatapos ng kumpetisyon na inorganisa ng Philippine Sports Association for Disabled Athletes, sa suporta ng Philippine Sports Commission.

Nauna nang nagwagi ang 2017 Malaysia ASEAN Para Games double silver medalist sa 100-meter, 400 meter at 4x100-meter relay .

Tubong San Carlos, Pangasinan, si Peralta, na nagwagi ng apat na gold medals noong nakaraang Palarong Pambansa Paralympic track fest sa Vigan, Ilocos Sur, at muling nanalo sa T-20 men’s 200-meter( 24.02).

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“We scouted Anthony early last year in the Palaro held in Antique and he has greatly improved since then,” ayon kay national athletic coach Joel Deriada. “We intend to include him in our national team in the near future.”

Itinala naman ni Carbonel ang bagong record sa discus throw na 29.86 meters, na dumaig sa dating record na 27.95 meters na naitala noong nakaraang taon sa Paris Para Athletic Grand Prix.

Gaya ng inaasahan, nagwagi si World Paralympic Games bronze medalist Adeline Dumapong-Ancheta ng Quezon City, sa women’s 86-kilogram and over division sa power lifting sa kanyang total lift na 110 kilos.

Wagi rin sina Calabarzon bets Elenio Salud at Jefrey Jaramillo sa power lifting. gayundin sina Romeo Tayawa Jr. at Agustin Kitan ng Baguio City.

Sa badminton, kinumpleto ng Cainta-Region 4 A ang sweep sa wheelchair category, habang na-split ng Angono at Iligan City ang hearing impaired category. (Marivic Awitan)