Nahaharap sa “crisis of truth” ang Pilipinas dahil sa fake news. Ito ang pagninilay at buod ng circular letter ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga pari at Communities of Consecrated Persons, sa pagdiriwang ng Simbahan sa “Solemnity of the Ascension.”
“Dear Brother Priests and Communities of Consecrated Persons, as we celebrate the Solemnity of the Ascension, we cannot deny that we are facing a crisis of truth. It is almost impossible for us ordinary citizens to know which news is true and which is fake,” saad sa bahagi ng circular letter ni Cardinal Tagle.
Ikinababahala ng Cardinal ang magkakasalungat na interpretasyon ng mga eksperto sa Saligang Batas, na nagbubunga ng pagdududa, kawalan ng tiwala at pagkakahati-hati.
“Experts in the constitution give us conflicting interpretations of basic questions of law. The crisis of truth has sown seeds of suspicion, mistrust and fragmentation,” aniya.
Kaugnay nito, hinimok ni Tagle ang lahat na makiisa sa tinawag niyang “Feasts of truth and love” sa loob ng 12 araw, simula sa Mayo 20, Pentecost Sunday, hanggang sa Mayo 31.
Sa loob ng 12 araw, kakalembang ang mga kampana ng simbahan sa Archdiocese of Manila tuwing 3:00 ng hapon bilang paggunita sa pagkamatay ni Hesus, at para hilingin sa Diyos ang pagpapadala ng Banal na Espiritu na gagabay sa mamamayan tungo sa katotohanan. Kasunod nito ay sabay-sabay na dadasalin ang Chaplet of the Divine Mercy sa lahat ng simbahan, kapilya, kumbento, paaralan, opisina at tahanan.
-Mary Ann Santiago