PAULIT-ULIT ang bantang-paalala ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga miyembro ng kanyang gabinete at sa iba pang pinuno ng mga tanggapan ng pamahalaan: “Kahit bahagyang kaluskos ng kurapsiyon sa inyong departamento o tanggapan, sisibakin ko kayo.” Hangad niyang purgahin ang mga kagawaran at ahensiya ng gobyerno na pinamumugaran ng mga tarantado at bulok na opisyal.
Sinabihan niya ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan na maging
sensitibo at kusang mag-resign sapagkat ayaw niyang “hiyain” sila sa publiko. Binanggit ni Mano Digong na isa sa dahilan kung bakit landslide victory ang ibinigay sa kanya ng mga Pinoy noong 2016 elections ay sanhi ng pangakong tatabasin niya ang mga ngipin at sungay ng kurapsiyon sa gobyerno.
May mga nagtatanong kung ang pahayag ni PRRD sa pagtitipon ng mga educator sa Davao City noong Biyernes ay patama kina Tourism Sec. Wanda Tulfo-Teo at PCOO Sec. Martin Andanar, dahil sa kontrobersiya sa P60 milyon na umano’y ads placement ng Department of Tourism (DoT) sa PTV-4 na naipagkaloob sa programa ng kapatid ni Ms. Teo. Ang PTV-4 ay nasa ilalim ng tanggapan ni Andanar. Habang isinusulat ko ito, wala pa ang sibakan.
Samantala, ang sinisisi ni PDu30 sa pamamayagpag at patuloy na pag-okupa at militarisasyon ng China sa ilang reef na saklaw ng Pilipinas ay ang US at si ex-Pres. Noynoy Aquino. Bigo raw si Uncle Sam at PNoy na pigilan ang reklamasyon ng China sa pagpapalawak ng military presence sa West Philippine Sea. Ayon sa Pangulo, tanging ang US lang ang may puwersa na puwedeng humarang sa aktibidad ng China noon.
Hindi binanggit ni PRRD na nanalo ang ‘Pinas sa arbitral court sa Netherlands na walang karapatan ang China na angkinin ang mga reef na okupado nila ngayon. Binalewala rin ng hukuman ang tinatawag na nine-dash line na umaangkin sa halos kabuuan ng WPS-South China Sea. Parang ayaw niyang isulong ang desisyon ng arbitral court laban sa kaibigang China.
Nitong nakaraang linggo, napabalita ang pag-iinstala ng China ng missiles sa man-made isles sa WPS-SCS. Nagpahayag ng pagkabahala ang Pilipinas sa missile deployment sa tatlong reef na saklaw ng teritoryo ng ating bansa.
Sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na “kumpiyansa tayo na ang nasabing mga missile ay hindi nakatutok sa atin.” Aba naman Harry, anong katwiran ito? Kung atin ang mga reef, eh, bakit natin ibibigay nang wala man lang kibo? Dahil ba takot tayo sa bansa ni Xi Jinping sapagkat imamasaker lang ng kanilang mga kawal ang ating mga sundalo at pulis? Dapat ay magprotesta man lang tayo.
Nagwarning ang US noong Huwebes na ang patuloy na militarisasyon ng China sa WPS-SCS ay maaaring magbunga ng “consequences” na hindi inaasahan. Hindi tinukoy ni US Press Sec. Sarah Huckabee Sanders kung ano ang ibig sabihin ng “consequences” na ibubunga ng missiles deployment ng China. Gigiyerahin ba ng US ang China at puwersahang gigibain ang mga balangkas o structure na itinayo nila roon?
Kabilang si PRRD sa hanay ng mga “strongmen” sa mundo na inilathala ng TIME magazine para sa Mayo 14. Kapiling niya sina Russian Pres. Vladimir Putin, Turkish Pres. Recep Tayyip Erdogan at Prime Minister Victor Orban. Itinanggi ni PDu30 na siya ay isang strongman. Wala pa raw siyang ipinakukulong kahit siya ay binabatikos at sinisiraan. Sundot ng kaibigang palabiro pero sarkastiko: “Eh di ba nakakulong si Sen. De Lima dahil pinupuna siya nito?”