Ni Orly L. Barcala
Parehong sugatan ang isang mag-asawa nang bumangga sa plastic barrier ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang sinasakyan nilang motorsiklo sa EDSA, Caloocan City, nitong Linggo ng madaling-araw.
Nagtamo ng pinsala sa katawan, leeg, at braso si Jonathan Torefiel, 42, habang nasugatan sa hita ang asawa niyang si Marlene Torefiel, 40 anyos.
Kuwento ni Jonathan, bandang 3:00 ng umaga at magkaangkas silang mag-asawa sa motorsiklong minamaneho niya at binabaybayan ang Tinio Street sa EDSA, Caloocan City, nang may maramdaman siya sa sarili.
“Para pong na-dislocate ‘yung kanang balikat ko at hindi ko na maigalaw ‘yung manibela,” ani Jonathan.
Aniya, dati nang may bali ang kanyang balikat, at posibleng sumumpong ito at namanhid, kaya nang hindi na makapagmaneho ay ibinangga na lang niya ang motorsiklo sa plastic barrier ng MMDA.
Sa tulin ng takbo, tumilapon ang mag-asawa mula sa motorsiklo.