SA mga isyu na inihain ni Frech President Emmanuel sa pagbisita niya kamakailan sa Estados Unidos, ipinunto ni Macron ang apela nito sa Amerika upang “comeback and join the Paris agreement”, na tinanggihan ni US President Donald Trump noong eleksiyon 2016.
“We signed it at the initiative of the United States,” aniya. “We signed it- both the United States and France… I am sure one day, the US will come back and join the Paris Agreement. Let us face it. There is no Planet B.”
Inaprubahan ng mga bansa sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas, ang Paris Climate Change Agreement noong Disyembre 2015, sa banta ng panganib ng pagtaas ng global na temperatura dulot ng mga industrial emission na umabot na sa pagkatunaw ng malalaking pitak ng yelo sa Antartica, pagtaas ng lebel ng tubig sa mga karagatan, at paglakas ng mga mapinsalang bagyo. Bawat isa sa 190 bansa na lumagda sa kasunduan ay nagsumite ng sariling plano bilang kontribusyon sa pangkalahatang layunin na limitahan ang pagtaas ng global na temperatura sa 2 degree celcius.
Pinangunahan ng France ang kampanya noong 2015, na humantong sa isang kasunduan sa Paris. Sa taong ding iyon, bumisita sa Maynila si dating French President Francois Hollande upang hingin ang suporta ng Pilipinas na ikinokonsiderang pangunahing tagapagsulong ng kampanya laban sa climate change, bilang bansa na paulit-ulit nang nasalanta ng mga bagyo mula sa Pasipiko. Pinakabago rito ang super-typhoon Yolanda na nag-iwan ng 7,000 bilang ng nasawi at nawawala noong Nobyembre, 2013.
Gayunman, isa sa unang aksiyon ni Trump bilang bagong Pangulo ng US ang pagtanggi sa kasunduan. Sa dahilang pagsusulong ng “America First”. Iniisip niya ang mga manggagawa sa mga industriya ng uling sa Amerika, na nagsisimulang magdusa dahil sa pagtaas ng bilang ng mga gumagamit ng renewable energy sa mundo. Sa pagtalikod ng US sa Paris Agreement, bumuo ang China at ang European Union ng alyansa upang pangunahan ang mundo sa pagsusulong ng low-carbon economy.
Inihain ni Pangulong Macron ang mahahalagang isyu sa kanyang talumpati sa US congress – ang paghikayat sa Amerika na manatili sa kasunduang nuclear nito sa Iran, ang banta laban ultra-nationalism, pananatiling bukas ng US-Europe trade at ang preserbasiyon ng mga institusiyon tulad ng United Nations at North Atlantic Treaty Organization.
Subalit ang kasunduan sa Paris sa Climate Change ang lubos na makaaapekto sa maraming bansa sa daigdig, kabilang ang Pilipinas. Ginamit ni Macron ang oportunidad upang umapela sa Amerika na maibalik ang suporta nito sa makasaysayang kasunduan upang maisalba ang nag-iisang planeta na ating pinaghahatian. Sapagkat tunay ngang walang ibang planeta para sa ating lahat. Walang Planet B.