Nina VANNE ELAINE P. TERRAZOLA at BELLA GAMOTEA

Dapat na magsilbing leksiyon para sa mga diplomat ng bansa na hindi lahat ay dapat na ipino-post sa social media.

Ito ang paniniwala kahapon nina Senate President Aquilino Pimentel III at Senator Nancy Binay, na kapwa nanindigang pinalala ng pag-upload sa social media ng embahada ng Pilipinas sa Kuwait ng pagsagip nito sa mga problemadong manggagawang Pinoy sa nasabing bansa, ang tensiyonado na ngang ugnayan ng Pilipinas at Kuwait.

Sa panayam kahapon ng DWIZ, umapela si Pimentel sa mga diplomate na “avoid” ang pagpo-post sa social media o pagsasapubliko ng mga operasyon ng mga embahada, na maaaring makaapekto sa ugnayang diplomatiko ng Pilipinas sa ibang bansa.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

‘DI LAHAT DAPAT I-POST

“Bakit kasi masyado tayong mahilig sa Internet, na parang gustong-gusto natin ipabasa, ipakita sa buong mundo anong ginagawa natin? ‘Yan ang magandang lesson dito na hindi lahat ng kilos—lalo na involving other countries at

international relations—kailangang ibalandra mo, i-post mo, publicly announce mo. Kaya nga sometimes may mga state secret,” sabi ni Pimentel.

Ayon sa Senate President, hindi dapat na isinapubliko ang rescue operation sa mga Pinoy sa Kuwait dahil pinaplantsa pa lang ng ating gobyerno ang problema ng bansa sa pang-aabuso sa mga overseas Filipino worker (OFW), at hindi pa nga nalalagdaan ang memorandum of understanding (MOU) upang tiyakin ang proteksiyon ng mga Pinoy sa Kuwait.

PINAPLANTSANG GUSOT

Inihayag naman kahapon ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano na nakikipag-usap na ang Pilipinas sa Kuwaiti government upang plantsahin ang gusot sa pagitan ng dalawang bansa.

Nilinaw ni Cayetano na nananatiling ginagabayan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Pilipinas sa umiiral na polisiya para proteksiyunan ang mga karapatan at kapakanan ng mga Pilipino sa ibang bansa.

“The policy—and our resolve to pursue it—will not waver. We remain convinced that the actions we took in Kuwait are a rightful exercise of our duty under international law to protect our nationals abroad. Our actions are consistent both with the Vienna Convention on Diplomatic Relations and the Vienna Convention on Consular Relations,” ani Cayetano.

DAPAT MAY MANAGOT

Samantala, iginiit ni Binay na dapat na managot sa perhuwisyong idinulot ng nag-viral na rescue video, at hinimok ang pag-aksiyon ng DFA.

“Dapat magkaroon ng accountability, paano nangyari na upload ‘yung video. Polisiya na ba ng DFA ‘yung ganung pagre-rescue sa ating kababayan na in distress,” ani Binay sa hiwalay na panayam. “Somebody needs to be held accountable.

Ang laking problem itong hinaharap natin ngayon dahil may natira pang 250,000 na kababayan sa Kuwait. Can you just imagine na sabihin ng Kuwait na hindi na puwedeng magtayo ng embassy? Sinong mag-aalaga sa ating mga OFWs kung wala nang presence ng Philippine government?”