Ni Celo Lagmay
ANG ulat hinggil sa isang 11 taong gulang na anak ng isang basurero ang nahulihang may nakasukbit na sachet ng sinasabing shabu, ay hindi lamang naglalarawan na talagang talamak pa ang illegal drugs sa mga komunidad; ito ay nagpapatunay rin na ang gayong mga menor de edad ay mistulang ipinapain sa paggawa ng mga krimen at iba pang masasamang bisyo. Walang magawa ang mga naturang kabataan kundi tumango na lamang sa kumpas ng mga nakatatanda o ng mga sindikato na maaaring sumasabotahe sa kampanya ng administrasyon laban sa droga.
Gusto kong maniwala na alam ng naturang mga menor de edad ang panganib na kanilang sinusuong sa paggamit at maging sa posibleng pagbebenta ng mga bawal na gamot. Dangan nga lamang at batid din nila na sila ay hindi maaresto at maikukulong ng mga alagad ng batas kapag sila ay nahuling gumagawa ng ilegal. Ang tanging magagawa ng ating mga awtoridad ay ipaubaya at ihatid pa sa mga tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga naturang crime suspects; hindi malayo na sila ay agad ding palayain pagkatapos na sila ay pangaralan at ipaubaya naman sa kanilang mga magulang.
Naniniwala ako na ang gayong mistulang pagkunsinti sa masasamang gawain ng ating mga menor de edad ay nakasalig sa Anti-Juvenile Delinquency Law. Ang naturang batas ay maituturing na salarin o culprit sa pagkakalulong ng ating mga kabataan sa hindi kanais-nais na mga bisyo.
Itinatadhana ng naturang batas, kung hindi ako nagkakamali, na ang mga kabataang mula sa 15-anyos pababa ay hindi maaaring papanagutin sa anumang krimen na nagawa nila; mistulang inililigtas sila sa paglabag sa batas na dapat sana nilang iginagalang.
Natatandaan ko na ang nasabing batas ay minsang naging dahilan ng panggagalaiti ni Pangulong Duterte na kailangang ibaba ang age limit o edad na nasasakop ng naturang batas. Nangangahulugan na matalino na ang ating mga kabataan at nauunawaan nila ang mga gawaing labag sa mga kautusang umiiral sa mga komunidad.
Ang ganitong mga paninindigan ay sapat nang dahilan upang matauhan ang ating mga mambabatas; upang susugan kundi man ay ipawalang-bisa ang nabanggit na batas. Dapat silang magising sa katotohanan na ang nasabing mga kabataan ang malimit gamitin sa iba’t ibang krimen, tulad ng akyat-bahay na tanging mga musmos ang ipinapain sa pagpasok sa mga tahanang nais nilang nakawan.
Marapat ipaunawa sa mga menor de edad ang kahalagahan sa pagsunod sa umiiral na mga batas at hindi ang paglabag sa mga ito.