Ni Bella Gamotea
Isasara sa trapiko sa Mayo 6 ang bahagi ng Roxas Boulevard at ilang lugar sa Maynila at Pasay City para sa “Worldwide Walk to Fight Poverty” ng Iglesia Ni Cristo (INC), na inaasahang dadaluhan ng isang milyong katao, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Inihayag ni Jojo Garcia, MMDA general manager, na isasara ang Roxas Boulevard, mula sa Buendia at P. Burgos Street sa parehong bahagi, sa ganap na 12:00 ng hatinggabi ng Mayo 5 hanggang 10:00 ng gabi ng Mayo 6.
“Tinatayang isang milyong katao ang dadalo sa event na ito,” ani Garcia.
Apektado rin ng charity walk ang Quirino Grandstand, Luneta Park, paligid ng Cultural Center of the Philippines Complex, bahagi ng Diosdado Macapagal Avenue, Buendia Avenue, Taft Avenue at Road 10.
Para sa nasabing kaganapan, magpapakalat ang MMDA ng 200 tauhan upang gabayan ang mga motorista, tumulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at maglinis sa lugar pagkatapos.
Sinabi naman ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Tim Orbos na handa rin ang kanyang ahensiya na magbigay-ayuda sa mga lalahok sa walkathon.
Handa rin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magkaloob ng special trips ng passenger buses para isakay ang mga dadalo sa event.