Ni Marivic Awitan

BUKOD sa paglalaro sa iba’t-ibang panig ng bansa at maging sa abroad bilang pagbibigay kasiyahan sa mga basketball fans, nagtatag na rin ng isang “foundation” ang mga tinaguriang PBA legends.

Ang pagtatatag ng nasabing “foundation” ay bunsod na rin ng kanilang kagustuhan na makapagbigay ayuda sa mga kapwa dating mga PBA cagers na may mga karamdaman at nangangailangan ng tulong.

Kinumpirma nina Magnolia team manager Alvin Patrimonio, Globalport coach Pido Jarencio, kasalukuyang MPBL Commissioner Kenneth Duremdes at Mapua coach Atoy Co ang nasabing pagbuo ng isang ‘foundation’ na mangangalap ng pondo para sa mga dating PBA players na nasa banig ng karamdaman at walang matatag na hanap-buhay.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“ Magkakaroon kami ng mga fundraising activities para makatulong sa mga players na maysakit, “ ayon sa grupo.

Matatandaang nagkasunud-sunod ang mga balitang pagkakaroon ng malubhang karamdaman ang mga dating PBA cagers na gaya nina Buboy Tanigue na tuluyan ng pumanaw gayundin sina Boybits Victoria at Joey Mente.

Kasalukuyan ding nakaratay matapos atakihin sa puso may dalawang taon na ang nakalilipas si cage legend Avelino ‘Skywalker’ Samboy Lim.