Ni Gilbert Espeña

NAAGAW ni one-time world title challenger Genisis Libranza ang Philippine flyweight title kay Ryan Rey Ponteras sa sagupaan ng dalawang tubong Davao kamakalawa ng gabi sa 12-round split decision sa University of Baguio Gym, Baguio City.

Ito ang ikaapat na sunod na panalo ni Libranza mula nang makalasap ng unang pagkatalo via knockout kay IBO flyweight champion Moruti Mthalane noong Abril 28, 2017 sa Wembley Indoor Arena, Johannesburg, South Africa.

Sa pagwawagi, inaasahang mapapasabak si Libranza sa OPBF title bout na hawak ngayon ng kababayang si Jayr Raquinal upang umangat sa WBC rankings kung saan nakalista siyang No. 26 at magkaroon ng ikalawang pagkakataon sa kampeonatong pandaigdig.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Pinatunayan naman ni Ponteras ang tibay ng panga nang hindi mapatulog ni Libranza kahit kung ilang beses na-groggy sa laban.

Minsan ding lumaban sa South Africa si Ponteras nang hamunin si IBO super flyweight champion Gideon Buthelezi noong Hulyo 28, 2017 pero natalo siya sa puntos sa sagupaang ginanap sa International Convention Centre, East London.

Bumagsak ang rekord ni Ponteras sa 21-13-1 win-loss-draw na may 10 panalo sa knockouts samantalang napaganda ni Libranza ang kanyang kartada sa 15 panalo, 1 talo na may 9 pagwawagi sa knockouts.