Ni Mary Ann Santiago

Patay ang isang binata makaraang saksakin ng kanyang kainuman matapos ang kanilang suntukan sa Maynila, nitong Sabado ng gabi.

Ilang saksak sa katawan ang tumapos sa buhay ni Edwin Gonzaga Tagdulang, 29, ng Helping Complex, Aroma Compound, sa Tondo ng nasabing lungsod.

Agad nasakote ng awtoridad ang suspek na si Amay Ibanez Gamok, 31, ng Building 6, Aroma Compound, Tondo, at kinasuhan na ng murder sa Manila Prosecutor’s Office.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa ulat na ipinarating ni Supt. Jay Dimaandal, station commander ng Manila Police District (MPD)- Station 1, naganap ang pananaksak sa tapat ng Berto’s junkshop sa Helping Compound Complex, dakong 6:30 ng gabi.

Sa salaysay sa pulisya ng kinakasama ni Tagdulang, si Ruby Milandres, masaya silang nag-iinuman sa loob ng kanilang bahay nang magalit umano ang suspek sa hindi batid na dahilan at nauwi sa suntukan.

Sa tulong ng mga kapitbahay, naawat ang suntukan ng dalawa.

Nagpasya ang suspek na umalis at makalipas ang ilang sandali ay bumalik bitbit ang isang patalim at makailang beses sinaksak sa katawan ang biktima.

Tinangka pa umanong tumakas ng suspek, ngunit nakorner ng mga tauhan ng Smokey Mountain Police Community Precinct.