AABOT sa kabuuang P80 milyon ang inilaan ng Philippine Sports Comission (PSC) para sa pagsabak ng Team Philippines Asian Games sa Palembang Indonesia sa Agosto.
Ito ang estimadong budget ayon kay PSC chairman William Ramirez, base na rin umano sa quotation budget ni Asian Games Chef de Mission Richard Gomez.
Nauna ang ipinahayag ni Gomez ang ‘full participation’ ng atletang Pinoy sa Asiad.
Ayon kay Ramirez, hiwalay pa dito ang budget para sa pagsasanay at paglahok ng atletang Pinoy sa qualifying event ng quadrennial Games.
“This is just for actual participation. Hindi pa kasama yung mga qualifying rounds,” pahayag ni Ramirez.
Gayunman, suportado naman umano ng PSC, kahit ilang delegasyon pa o numero ang ibigay sa kanila ng kasalukuyang CDM na si Gomez, gayung alam nila na para sa ikatatagumpay ng kampanya ng bansa para sa Asian Games ang tanging layunin nito.
“The money that we have is not our money, it’s the government’s. So it’s just right na ibigay natin kung ano ang kailangan nila. We are ready to support them,” sambit ni Ramirez.
Sa kabuuan ay mayron na lamang mahigit apat na buwan ang bansa para maghanda sa nasabing quadrennial meet. - Annie Abad