Ni Mary Ann Santiago

Patay ang isang negosyante makaraang abangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Rodriguez, Rizal, nitong Linggo ng hapon.

Apat na tama ng bala ng .45 caliber pistol sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tumapos sa buhay ni Rodrigo Tejada, 63, may asawa, ng Barangay San Jose, sa Rodriguez.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nakatakas naman ang dalawang hindi pa kilalang suspek, sakay sa motorsiklong hindi naplakahan.

Sa ulat ng Rodriguez Municipal Police, nangyari ang krimen sa Don Mariano Marcos Avenue Extension, sa Bgy. San Jose, dakong 5:30 ng hapon.

Sakay ang biktima sa kanyang puting L-300 FB sa lugar nang biglang dikitan ng mga suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo.

Agad namang nakaramdam ng panganib ang biktima kaya mabilis na pinaharurot ang kanyang sasakyan subalit pinaulanan siya ng bala ng mga suspek.

Napuruhan ang biktima at nawalan siya ng kontrol sa manibela hanggang sa tuluyang rumampa ang sasakyan sa sidewalk malapit sa Maynilad Reservoir.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa pagpatay, gayundin ang pagkakakilanlan ng mga salarin.