Ni Bert de Guzman
Nagiging very gentleman at palabiro si Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) kapag nakakasama niya sa okasyon si Vice President Leni Robredo. Ngayong 2018, tatlong beses na silang nagkasama. Una, sa 2018 PMA Graduation sa Baguio City. Ikalawa, sa ika-121 anibersaryo ng Philippine Army. Ikatlo, sa 2018 PNPA Graduation sa Silang, Cavite City.Sa Philippine National Police Academy graduation rites, masuyong binati ni PRRD si beautiful Leni ng “My Lady.” Inulit niyang sila’y magkaibigan ng VP. Nagbiro pa siyang sana ay may mga graduation pa upang muling makita at makasama si Robredo nang madalas.
Kapansin-pansin na kapag si Mano Digong ay nakaharap o katalamitam ang magagandang babae, siya ay nagiging maamo (na parang tupa), nawawala ang bagsik at pagmumura, nagiging maginoo. Subalit kapag ang kaharap ay mga kawal at pulis, siya ay nagiging palamura at may kabastusan sa pagsasalita, tulad ng pahayag at utos niya noon sa mga sundalo na “Shoot the vagina of the female NPA” upang maging inutil sila.
Kung noon ay may tinatawag na “The Beauty and the Beast”, maaari sigurong ilarawan sina PDU30 at VP Leni bilang “Si Matapang at si Mayumi.” Sa PNPA affair, hindi ipinakita sa larawan kung ang Pangulo ay umiinom ng buko juice tulad noong graduation rites sa PMA Baguio City. Pero sa PNPA, ipinakita na nakabestida lang si beautiful Leni at hindi nakapantalon. Hindi yata nagkomento si PRRD tungkol sa maputi at makinis na binti ni VP.
Matapos paharapin sa pagdinig tungkol sa kontrobersiyal na Dengvaxia anti-dengue vaccine si ex-Pres. Noynoy Aquino, si ex-Pres. Fidel V. Ramos (FVR) naman ang ipatatawag ng Kamara upang hingan ng paliwanag tungkol sa lease o pagpaparenta sa P7.5 bilyong limang ektarya propriedad ng pamahalaan noong siya ang presidente.
Ipinasiya ng House committee on good government and public accountability na imbestigahan ang nasabing isyu na nangyari noong siya ang pangulo tungkol sa 5 ektaryang pag-aari ng gobyerno na nasa Roxas Boulevard.
Ang lease o renta umano sa naturang propriedad ay P1,000 bawat taon lang gayong ito ay prime lots. Para kay Speaker Pantaleon Alvarez, ang ganitong lease ay “worse than Tadeco.” Nais malaman kung bakit nag-isyu si FVR ng isang executive order ng export promotion, na ayon sa mga opisyal ng Dept. of Trade and Industry (DTI), ay nag-authorize sa kanila para para mai-lease ang 5-hectare property sa napakaliit na halaga. Lugi raw dito ang gobyerno, ayon kay Surigao del Sur Prospero Pichay, Jr. na siyang naghain ng mosyon para pagpaliwanagin si FVR.
Abangan natin ang pagdalo ni FVR sa Kamara hearing. Tingnan din natin kung may nakasubo pa ring tabako na walang sindi. Minsan nang humarap sa Senado noon si FVR kaugnay naman sa umano’y anomalya sa pagtatatag ng Centennial Exposition sa Pampanga na ginastusan ng malaking halaga. Tinanong na rin siya noon kung saan napunta ang ilang bilyong pisong pinagbilhan sa mga kampo militar na kung tawagin ay Bases Conversion Development Authority (BCDA). Abangan!