Nina ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN

Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdakip sa operator ng Dimple Star Transport kasunod ng pagbulusok ng isang bus nito sa bangin sa Sablayan, Occidental Mindoro nitong Martes, na ikinasawi ng 19 na katao.

Ayon kay Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go, ito ang utos ng Pangulo nang sorpresang bumisita sa lugar ng aksidente kahapon.

“Pinahuli ni PRRD operator and pinahuli niya ang lahat ng colorum,” saad sa text message ni Go sa mga Malacañang reporters.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Hindi isinapubliko ang pagbisita kahapon ng Pangulo sa lugar ng aksidente sa Sablayan at sa burol ng ilan sa mga nasawi. Bumisita rin si Duterte sa mga pasaherong nagpapagaling pa sa mga ospital.

Una nang nangako ang Malacañang na bibigyan ng katarungan ang mga nasawi at ang 21 nasugatan sa aksidente, bagamat hinihintay pa ang resulta ng imbestigasyon.

Binanggit din ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang posibilidad na mapanagot ang sinuman sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mapatutunayang nagpabaya sa regular na pag-iinspeksiyon sa mga pampasaherong bus.

Samantala, tuluyan nang sinuspinde ng LTFRB ang lahat ng 118 bus ng Dimple Star sa loob ng 30 araw, o saklaw ang 10 prangkisa ng kumpanya.

Ito, ayon sa LTFRB, ay dahil sa “gross negligence” sa “pathetic conditions” ng mga terminal at mga bus ng kumpanya, batay sa pag-iinspeksiyon ng ahensiya sa opisina ng Dimple Star nitong Miyerkules.

Apektado ng isang-buwang suspensiyon sa lahat ng bus ng Dimple Star ang mga biyaheng Iloilo City-Cubao, Quezon City at vice versa; Iloilo City-Parañaque City at vice versa; San Jose, Occidental Mindoro-Sampaloc, Maynila at vice versa; Maynila-San Jose, Occidental Mindoro at vice versa; Dumaguete, Negros Oriental-Cubao, Quezon City at vice versa; Caticlan (Iloilo)-Market Market at vice versa; at Romblon-Cubao, Quezon City at vice versa