Ni Manny Villar
ANG darating na Domingo de Palaspas ang hudyat ng pagsisimula ng Semana Santa, isang tradisyon sa Pilipinas kung saan ang nakararami ay mga Katoliko.
Natatandaan ko pa ang panahon ng Semana Santa noong aking kabataan, kung kailan tila namamayani ang katahimikan sa buong bansa. Walang mapapanood na program sa telebisyon kundi ang pag-uulit ng mga pelikulang gaya ng “The Ten Commandments” nina Charlton Heston at Yul Brynner at ng “Spartacus” na pinagbidahan ni Kirk Douglas. Maaari ring panoorin ang pagtatanghal na gaya ng paghuhugas ng paa o ang Siete Palabras. May mga istasyon ng radyo na tumitigil sa kanilang mga karaniwang programa.
Sarado ang mga restaurant, sinehan, at pamilihan. Walang trapik sa Metro Manila, at tila sarado ang buong Pilipinas sa loob ng isang linggo. Ito ay upang himukin daw ang mga tao na gamitin ang pananahimik sa paglilimi tungkol sa buhay ni Kristo at ng kanilang sarili.
Ang karaniwang naririnig na musika ay ang Pabasa ng Pasyon, o ang pagkanta at paghihinagpis sa kuwento ng paghihirap ni Jesucristo. Ito ang isa sa mga tradisyon sa Semana Santa na kinagigiliwan ko, ngunit sa ngayon ay bihira nang isagawa.
Sa halip na pelikula, maaaring panoorin ang Senakulo sa gabi. Ito ay isang pagtatanghal sa kalsada tungkol sa buhay ni Kristo. Maraming pamilya ang nagsasagawa rin ng Visita Iglesia, o ang pagdalaw sa iba’t ibang simbahan at ang pagdarasal sa mga istasyon ng krus.
Bahagi pa rin ng tradisyon ang Salubong, o Pasko ng Pagkabuhay, na inaalala naman ang pagkabuhay na muli ni Kristo.
Ngunit nagbabago ang panahon. Sa ngayon, patuloy ang ilang istasyon ng telebisyon sa kanilang karaniwang programa.
Sa pamamagitan naman ng Youtube, Netflix at iba pang katulad na serbisyo, maraming pagpipilian ang mga tao kung paano gugugulin ang panahon sa Semana Santa.
Karamihan ng mga mall ay sarado tuwing Huwebes at Biyernes, ngunit nananatiling bukas ang mga restaurant para sa mga nagsasagawa ng Visita Iglesia.
Tahimik pa rin ang Metro Manila, ngunit ito ay dahil karamihan sa mga pamilya ay nasa bakasyon – sa Baguio, Tagaytay, Boracay, at Batangas. May nagsabi sa akin na puno ang mga hotel sa Maynila dahil dito namamahinga ang mga pamilya sa halip na sa malalayong bakasyunan. Tama nga naman dahil naiiwasan nila ang mabigat na daloy ng trapiko sa mga kalsadang patungo sa lalawigan.
Maraming na ngang nagbago dahil sa makabagong teknolohiya, pagbabago ng ugali ng mga kabataan at transpormasyon ng kultura. Karaniwan nang ang mga lumang tradisyon ang unang bumibigay sa pagdating ng modernisasyon.
Ngunit inaasahan ko na mananatili ang diwa ng Semana Santa bilang isang panahon ng paglilimi. Maganda rin itong pagkakataon upang suriin ang ating hangarin sa buhay, o sariwain ang ating kaugnayan sa pamilya at mga mahal sa buhay. Sa araw-araw nating pamumuhay, maaaring hindi na natin napapansin ang mga taong mahalaga sa atin.
Maaaring mahirap gawin ito sa kasaluyan dahil sa ingay at mga bagay na nakaaagaw ng pansin, ngunit kailangan ito ng ating katawan at kaluluwa. Gaya nga ng computer at smartphone, kailangan natin ang “rebooting” paminsan-minsan.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)