Ni Anthony Giron

CAMP GEN. PANTALEON GARCIA, IMUS, Cavite – Napaulat na nagbigti ang isang 16-anyos na lalaking estudyante sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Langkaan I, Dasmariñas City, Cavite nitong Lunes.

Ayon sa police reports, si Diego Taming Salosagcol na ang ikatlong nagpatiwakal sa lalawigan ngayong Marso.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Siya rin ang pinakabatang napaulat na nagpakamatay sa nakalipas na dalawang taon sa Cavite.

Ayon kay SPO1 Rodolfo A. Bautista Jr., madaling araw nitong Lunes nang natagpuan ng ama ang binatilyo habang nakabigti sa hagdanan ng kanilang bahay.

Hindi pa malinaw sa pulisya ang dahilan ng pagpapatiwakal ng binatilyo.

Una nang napaulat ang pagpapakamatay ngayong buwan ng isang 38-anyos na lalaki sa Bgy. San Isidro sa Dasmariñas, at ng isang 20-anyos na kasambahay sa Bgy. Pasong Camachile sa General Trias City.

Nakapag-ulat din ng mga insidente ng pagpapatiwakal sa lalawigan noong Enero at Pebrero ngayong taon, kabilang ang isang college medical student sa Dasmariñas.

Dahil dito, nagpahayag ng pagkabahala ang mga awtoridad at nga residente sa dumadaming kaso ng suicide sa Cavite.

Plano rin ng mga kinauukulang komite ng Sangguniang Panlalawigan na magsagawa ng imbestigasyon, in aid of legislation, sa mga insidente ng pagpapakamatay para lumikha ng ordinansa na magtatatag ng isang suicide prevention program.