Timberolves, tameme sa Rockets; Raptors, balisa sa Thunder

MINNEAPOLIS (AP) — Papalapit na ang playoff, nalalapit na rin ang Houston Rockets sa pedestal na inaasam.

Patuloy ang dominanteng laro ng Rockets, sa pangunguna ni James Harden na kumana ng 34 puntos at 12 assists, sa 129-120 panalo kontra Minnesota Timberwolves nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Napatatag ng Rockets ang kapit sa No.1 seed sa Western Conference sa ika-26 panalo sa huling 28 laro.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Umabot sa 25 puntos ang bentahe ng Houston sa first half at nagpakatatag sa final period para mapigilan ang ratsada ng Wolves, bumagsak sa No.8 spot mula sa tabla sa No.5 bago ang laro.

Nag-ambag sina Chris Paul at Clint Capela ng tig-16 puntos para sa Rockets.

Nanguna sa Wolves sina Jeff Teague na may 23 puntos, habang tumipa sina Andrew Wiggins ng 21 puntos at kumana sina Karl-Anthony Towns at Jamal Crawford ng tig-20 puntos.

BLAZERS 122, CLIPPERS 109

Sa Los Angeles, kumana sina Damian Lillard at CJ McCollum ng 23 at 21 puntos para sandigan ang Portland Trail Blazers kontra Los Angeles Clippers para sa ika-13 sunod na panalo.

Hataw din sina Maurice Harkness na may 21 puntos, Jusuf Nurkic na may 17 puntos at 12 rebounds at Al-Farouq Aminu na tumipa ng 16 puntos.

Nanguna si Lou Williams sa Clippers sa naiskor na 30 puntos, habang kumubra sina Montrezl Harrell at DeAndre Jordan ng 24 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Naisara ng Blazers ang bentahe sa 56-44 sa halftime mula sa matikas na 12-0 run.

PELICANS 108, CELTICS 89

Sa New Orleans, giniba ng Pelicans, sa pangunguna ni Anthony Davis na may 34 puntos at 11 rebounds, ang Boston Celtics.

Nag-ambag sina second-year pro Cheick Diallo sa season-high 17 puntos at Nikola Mirotic ang may 16 puntos sa naghahabol na New Orleans.

Hataw sa Boston si Jayson Tatum sa naiskor na 23 puntos. Hindi nakalaro ang mga star player ng Celtics na sina All-Star guard Kyrie Irving (sore left knee), at guard Marcus Smart (sprained right thumb). Kumana si Marcus Morris ng 17 puntos at kumana si Terry Rozier ng 13 puntos.

THUNDER 132, RAPTORS 125

Sa Toronto, natuldukan ang 11-game winning streak ng Raptors nang pabagsakin ng Oklahoma City Thunder, sa pangunguna ni Russell Westbrook na tumipa ng ikalimang sunod na triple-double -- 37 puntos, 14 assists at 13 rebounds.

“You’ve got to be able to keep your composure through it all,” pahayag ni Westbrook. “That’s what the game is all about. We’ve got a lot of veteran guys on this team who are able to do that.”

Ratsada rin si Paul George na may 22 puntos, at kumikig si Carmelo Anthony ng 15 puntos para sa ikaanim na sunod na panalo ng Thunder.

Nanguna si DeMar DeRozan sa Toronto na may 24 puntos, habang kumana si Kyle Lowry ng 22 puntos at 10 assists para sa Eastern Conference-leading Raptors.