‘Sweep’ sa podium, puntirya ng Navymen sa LBC Ronda Pilipinas
CALACA, Batangas – Wala nang kawala ang kampeonato – sa individual at team classification – sa Team Navy-Standard Insurance. Ngunit, tila hindi pa kontento ang Navymen.
Sa pagtatapos ng Stage 10 ng 2018 LBC Ronda Pilipinas kahapon, may bagong target ang Team Navy – walisin ang top three podium sa individual classification.
Napatatag ng Navymen ang puntiryang ‘sweep’ nang makopo ni climbing specialist Junrey Navara ang akyating 147.8-kilometer Stage 10 na nagsimula sa Tagaytay International Convention Center at natapos sa harapan ng Municipal Hall dito.
Matapos ang kabiguang makaporma sa pahirapang 207.2km Stage 9 nitong Huwebes, nakipagsabayan ang 26-anyos na si Navara bago iniwan ang peloton tungo sa impresibong panalo laban kay Go for Gold Elite Team’s Boots Ryan Cayubit sa finish line.
“Pinursigi ko talaga kasi kahapon (Thursday) nagkamali ako. Mahaba rin kasi ‘yung ruta. Kaya ngayon bumawi ako.
Sinigurado ko na ‘yung banat kanina,” pahayag ng General Santos City native na naorasan sa tyempong tatlong oras, 21 minuto at 47 segundo.
Bunsod ng tagumpay, lumundag sa No.5 si Navara sa overall individual rankings tangan ang kabuuang oras na 30:36:32 – mahigit isang minuto ang layo kay Go for Gold Elite Team skipper George Oconer (30:35:18) sa No.3.
May tsansa ring makahirit ang isa pang Navyman na si Jhon Mark Camingao na kasalukuyang nasa No.4 may 53 segundo ang distansiya kay Oconer.
“Balak talaga namin na kunin ‘yung third (place) kasi ‘yun na lang ang pinaglalabanan,” pahayag ni two-time defending champion at Navy skipper Jan Paul Morales, pitong minuto ang layo sa kasangga at No.1 na si Ronald Oranza, tumatatag ang kampanya para sa unang titulo ng LBC Ronda sa kabuuang oras na 30:15:03.
“Talagang ang papaunahin namin sina Junrey, lahat ng nasa likod ni Oconer para kami hindi na magtrabaho at relax lang sa likod. Si George na lang magta-trabaho pati ‘yung mga teammates niya,” pahayag ni Morales.
Nakasabay si Pfc. Cris Joven ng Philippine Army-Bicycology Shop sa main group na pinamunuan ni Oranza, eksaktong apat na minuto at 15 segundo ang layo kay Navara. Nalaglag siya sa No.6 spot (30:38:24) kasunod si Cayubit sa No.7 (30:40:46).
Nasa No.8 si Navyman El Joshua Cariño, ang Stage 5 winner, sa oras na 30:42:23, kasunod sina Go for Gold Developmental Team’s Jay Lampawog (30:45:06) at Navy’s Rudy Roque (30:46:55).
Sa team classification, sigurado na sa Navymen ang korona tangan ang kabuuang oras na 119:16:31, kasunod ang Army-Bicycology Shop (120:36:46) at Go for Gold Developmental Team (120:47:27).
May pagkilos pang inaasahan sa paglarga ng 92.72km Stage 11 ngayon.
“May chance pa naman sa Top 3. Kaya bukas magta-trabaho ulit ako. Try lang ng try,” ayon kay Navara.
Ang pamosong cycling marathon ay itinataguyod ng LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Filinvest, Philippine Rabbit, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Sports, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling.