Ni Aris Ilagan
NADATNAN ni Boy Commute na nagkukumpulan sa loob ng isang kantina ang ilang messenger ng isang kumpanya.
Habang umiinom ng mainit na kape, narining ni Boy Commute ang kuwento ng lalaking bumabangka sa kuwentuhan.
Todo-bigay sa pagkuwento ang lalaki. Ito ay tungkol sa paghuli sa kanya ng isang traffic enforcer noong umagang iyon.
“Hindi na ako nakipag-argumento. Ibinigay ko na lang ang aking lisensiya. Magalang at mabait ‘yung traffic enforcer,” ang kuwento ng messenger.
Aakalain ba ni Boy Commute na mayroon pa ring mga motorista na nagbibigay respeto sa mga traffic enforcer.
Sa mga balitang nasasagap natin araw-araw, sandamakmak na motorista ang walang ginawa kundi mambastos at makipagbangayan sa mga traffic aide sa tuwing sila ay nahuhuli.
Karaniwan sa mga eksenang ito ay ipino-post sa social media at maraming netizen ang nakikisawsaw sa ganitong klaseng isyu upang umepal lang.
Kung ating hihimayin ang post ng mga netizen, lumilitaw na wala rin namang katuturan ang kanilang pinagdedebatehan.
Ang tanong: Nakakita na ba kayo ng post ng isang netizen hinggil sa traffic enforcer na magalang at maayos makipag-usap sa nahuling motorista?
Parang isang mainit at masarap na kape na iyong iniinom sa umaga kung sakali mang may magmamagandang loob na mag-post ng video ng isang traffic aide na nagpapakita ng magandang asal.
Naniniwala ako na marami sa hanay ng mga traffic enforcer, na bagamat hindi mataas ang pinag-aralan, ay nagtataglay pa rin magandang asal.
Bakit hindi ito ang ating pagtuunan ng pansin, sa halip ang pakikipagbangayan ng motorista sa mga traffic aide?
Dito pa lamang ay litaw na ang pagiging negatibo ng ilan nating kababayan kaya hindi tayo umuusad, umuunlad.
Sa kuwento ng messenger, nakapaganda ng kanyang pakiramdam noong umagang iyon bagamat siya ay tuluyang hinuli ng traffic aide.
Katwiran niya, talaga namang hinabol niya ang orange light sa intersection kaya nararapat lang siyang hulihin.
Saludo rin si Boy Commute sa messenger dahil ito’y pagiging responsable.
At nang tanungin ng kanyang mga katoto kung magkano ang multa sa traffic violation na “beating the red light”, ang sagot ng messenger: “P500, bro.”
Mabigat sa bulsa ang halagang iyon at nagkataon pa na malayo pa ang araw ng sahod.
Ang bitaw ng messenger: “Puwede ba akong umutang sa inyo?”
Bigla na lang naglaho na parang bula ang kanyang mga kausap.