Ni Marivic Awitan

HINDI kailangang umiskor upang matulungang manalo ang koponan sa volleyball.

Ito ang papel na ginampanan ni University of the East prized libero Kath Arado.

Ang fourth year volleybelle ang naging susi sa maayos na opensa ng Lady Warriors at mahigpit na floor defense nang ma-upset nila ang University of Sto. Tomas.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Dahil sa magandang coverage ni Arado, nakamit ng kanyang koponan ang ikalawang sunod na panalo ngayong season na naging dahilan naman upang mahirang siyang UAAP Press Corps Player of the Week .

Nagtala ang 5-foot-4 libero ng 32 excellent receptions at 28 digs nang gapiin ng Lady Warriors ang Tigresses, 25-23, 18-25, 28-26, 26-24, nitong Miyerkules sa simula ng kampanya sa second round ng elimination.

“Eh No. 1 naman ‘yan eh. No. 1 ‘yan sa UAAP, No. 1 ‘yan sa puso namin,” ani coach Roque.

“Kahit na sa practice nga eh, babalagbag ‘yan. ‘Kath, okay ka lang ba?’ ‘Opo okay pa po ako.’ Pero kita mo ‘yung pain sa mukha niya nandoon kasi bumalagbag na,” dagdag ni Roque..“Kath, you’re No. 1, you’re the one.”

“Sa akin lang talaga, gusto ko talaga ‘yung mabago talaga ang tingin nila sa UE,” ayon naman sa Season 77 Rookie of the Year Arado. “Noong unang game pa lang namin sa UAAP, ‘yun talaga ang nasa isip ko na, ngayon na season na ‘to, gusto ko talagang baguhin ang tingin nila sa UE, which is nangyayari naman talaga.”

Tinalo ni Arado para sa weekly honor ang kanyang teammate na si Mary Anne Mendrez, Kim Kianna Dy ng De La Salle University, Tots Carlos ng University of the Philippines at Ateneo de Manila University’s hitter Jho Maraguinot.