Ni Mina Navarro

Nasa 101 tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang ipakakalat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at ibang pangunahing port sa bansa sa susunod na mga buwan.

Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na ang naturang bilang ay bagong batch ng natanggap na immigration officers (IOs) na nagsimula nitong Lunes ng dalawang-buwang pagsasanay sa Philippine Immigration Academy sa Clark, Pampanga.

Kabilang sa itinuturo ang mga aralin hinggil sa mga batas, tuntunin at paraan ng immigration, habang mananatili ang mga empleyado sa isang buwan na pagsasanay sa trabaho sa airport at sa main office.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“Be sure that before they are deployed to the ports they are adequately prepared and equipped with the knowledge and capability to perform their jobs as gatekeepers of the country,” sinabi ni Morente sa personnel division.

Inatasan din ni Morente ang pinuno ng BI Center for Training and Research at Supervisor Administrative Office na pangasiwaan ang written at oral tests sa trainees upang masiguro na handa ang mga ito bilang gatekeepers ng bansa.

Ang hiring ng mga bagong IO ay bahagi ng rationalization program ng gobyerno sa NAIA, na kabibilangan ng pagsasara ng mga international operations sa NAIA 2, na magsisilbing main domestic airport, at ang operasyon ng lahat ng international flights sa NAIA 1 at 3.

Nabatid na ang mga tauhan ng BI Office Management Information Division ay malapit nang magsimulang maglagay ng mga karagdagang workstation sa arrival at departure areas ng NAIA 3, na paglilipatan ng karamihan ng international flights mula sa NAIA 1.