Ni JIMI ESCALA
MARAMI sa aktibong senior stars ngayon ay walang exclusive contract sa TV networks. Kaya nagagawa nilang maglagare sa ABS-CBN at GMA-7.
Pagkatapos ng ginagawang project o kahit ipinapalabas pa sa ere ang show o seryeng kinabibilangan nila, puwede agad silang tumanggap ng panibagong project sa katapat na TV network.
Isa na sa kanila si Edu Manzano na pormal na nagpaalam sa game show sa GMA-7 na Celebrity Bluff. Ayon sa showbiz observer na nakausap namin, hindi bagay kay Edu ang nasabing show na identified kay Eugene Domingo as main host.
Nagpakatotoo lang naman si Edu sa naging rason niya kung bakit iniwan niya ang show ni Eugene. Mas pinili niyang maging bahagi ng long-running action drama series na FPJ’s Ang Probinsiyano na pinagbibidahan ni Coco Martin.
Nakarating din sa amin na magkakaroon din ng game show sa Dos si Edu na siya mismo ang main host.
Sa Bridges of Love, na pinagbidahan nina Jericho Rosales, Maja Salvador at Paulo Avelino, noon pang 2016 huling napanood sa Dos si Edu. Palabas sa ngayon sa Thailand ang naturang serye.
Makakasabay ni Edu na papasok sa Probinsyano sina Dawn Zulueta, Alice Dixson at Rowell Santiago.
Kung si Edu ay 2016 pa ang last show sa ABS-CBN, si Dawn naman ay noong 2012 pa huling napanood sa seryeng Walang Hanggan bilang ina ni Coco Martin.
Samantala, dahil sa pagpasok ng bagong characters nina Edu, Dawn, Alice at Rowell, tiyak na mai-extend uli ang Probinsyano na hindi natitinag ang pangunguna sa ratings game.