Ni Czarina Nicole O. Ong
Naghain si dating Philippine National Police (PNP) chief director Alan Purisima ng motion for leave to travel sa Sandiganbayan Second Division, para makabisita sa Biloxi, Mississippi, United States mula Abril 23 hanggang Mayo 9.
Sa kanyang mosyon, sinabi ni Purisima na nais niyang dumalo sa 2018 National Book of the Play & Annual Meeting of the Royal Order of Jesters. Pagkatapos nito, ay umaasa siyang saglit na mabisita ang kanyang pamilya sa California.
Inihalal siya ng Manila Court No. 198, itinatag noong Nobyembre 2017, para dumalo sa nasabing okasyon.
Naghain na siya ng motions for leave sa iba pang divisions, kaugnay sa iba pa niyang mga kaso. Umaasa si Purisima na papaboran ng Second Division ang kanyang kahilingang makapagbiyahe.
Kamakailan ay sinampahan si Purisima ng walong perjury charges sa Second Division dahil sa kabiguan niyang ideklara ang mga ari-arian ng asawang si Maria Ramona Lydia Purisima, sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN) sa loob ng ilang taon.
May nakabitin ding graft at usurpation charge laban kay Purisima sa Sandiganbayan Fourth Division kaugnay naman sa palpak na operasyon ng pulisya sa Mamasapano, Maguindanao noong 2016, na ikinamatay ng 44 SAF troopers.
Mayroon din siyang graft case sa Sandiganbayan Sixth Division kaugnay naman sa maanomalyang courier service deal ng PNP noong 2011.