Ni Erik Espina
ULAM sa pang-lokal na pondahan ang tungkol sa urong-sulong na pagdaos ng barangay election. Gusto ng Mababang Kapulungan na ipagpaliban ang petsa ng halalan kasabay ng plebesito para sa Charter-Change. Ang Senado naman ay tutol dito. Nais nitong ituloy ang matagal nang nakabinbing eleksyon sa buwan ng Mayo. Sa gitna ng magkakaibang pananaw ng dalawang Kapulungan, hindi nilulubayan ng mga naka-upong barangay chairmen, pati mga makakasagupa nito, ang patuluyang paghahanda o pagpapakilala sakaling ikasa ang halalan. Mahirap yata maiwan sa pansitan at tutulog-tulog. Tulad nga ng kasabihan ng mga Boy Scout ng Pilipinas, dapat, “Laging Handa!”
Isang malaking suliranin sa lokal na pamamahala ng barangay ang atasin ang batas na kailangan sa barangay election, opisyales, at mga kakandidato, “non-political at non-partisan”. Ibig sabihin, walang partido pulitikal na inaaniban ng mga nag-iibig na manungkulan sa barangay. Sentro sa ganitong kaisipan na huwag maging masidhi at huwag gawing personal ang bangayan, sabay sa paglobo ng kanilang gastos para sa barangay na nais paglingkuran.
Matagal na akong tutol sa nabanggit na paniniwala. Aminin natin, napupunta sa pagkukunwari at moro-moro ang tunay na nagaganap sa barangay. Wala ka ngang nakikitang mga posters, banderitas, polyeto, at kung anu-ano pa, ng mga political parties, ipinagbabawal ang panunumpa sa kahit anong partido, subalit tuwing halalan, nand’yan ang pagpa-padrino, pangingialam at pagpopondo ng gobernador, bise-gobernador, bokal panlalawigan, mayor, vice mayor, konsehal, at kongresista sa sa sabong ng halalan. Bawat isa ay may interes na pinapaboran para maging bata nila sakaling magwagi, at upang mapangalagaan din ang sariling kapakanan ng mga nakatataas, bilang paghahanda sa susunod na pintakasi.
Wika nga, “Dumadanak ang pera at kung ano pang mga kinikilingang samahan” na kuno “non-political”. Sino ang niloloko natin? Kailangan na talagang magpakatotoo! Gawing “political” ang barangay elections. Ilawan at ilantad ang mga alyansa, aninong umaaligid, at kumikilos sa barangayan ng madlang-pipol. Huwag na tayong maglokohan.