MABILIS na umuusad ang mga kaganapan sa kaso ni Joanna Demafelis, ng Barangay Ferraris, Sara, Iloilo.
Simula nang matagpuan ang bugbog-sarado niyang bangkay sa loob ng freezer sa isang apartment sa Kuwait na inabandona ng kanyang mga dating amo, isang Lebanese at misis nitong Syrian, ipinatigil ni Pangulong Duterte ang pagpapadala ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait. Daan-daan sa mga manggagawang ito ay nagsisiuwi na mula sa Kuwait, sa tulong ng Cebu Pacific at Philippine Airlines.
Naaresto na sa Lebanon ang amo ni Joanna, si Nader Essam Assaf, habang sa Damascus naman nadakip ang misis nitong Syrian na si Mona Hassoun. Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na inaasahan niyang ipupursige ng mga awtoridad sa Kuwait ang extradition ng mag-asawa upang malitis ang mga ito sa Kuwait sa kasong murder.
Pinapanagot din ni Department of Labor and Employment (DoLE) Secretary Silvestre Bello III ang mga Pilipinong labor officer sa Kuwait, sa kabiguang aksiyunan ang paghingi ng tulong ng pamilya Demafelis matapos siyang mawala nitong Enero ng nakalipas na taon.
Sa Maynila, hiniling ni Pangulong Duterte sa National Bureau of Investigation na tugisin ang mga recruiter ni Joanna.
Ang orihinal na nag-recruit sa kanya ay ang Our Lady of Mount Carmel Global E-Human Resources, Inc., na nagsara na sa ngayon. Ang dayuhang recruitment agency na nangasiwa sa pag-alis ni Joanna ay ang Fadilah Farz Kaued al Khodor Recruitment office, na napaulat na nasa watchlist ng Philippine Overseas Employment Administration dahil sa isang nakabimbing kaso.
Dahil dito, magkakaugnay ang mga pagkilos ng maraming opisyal mula sa iba’t ibang bansa upang mabigyang hustisya ang pamamaslang sa Pinay. Bago si Joanna, may pitong OFW ang nasawi sa Kuwait nitong Enero, bagamat walang detalye tungkol sa kanilang mga pagkamatay, kundi mga ulat ng pagmamalupit at pang-aabuso sa maraming Pilipinong manggagawa ng kanilang mga amo, iniulat ng DoLE. Napaulat din ang pagpapatiwakal ng isang Pilipina makaraan siyang mabiktima ng panggagahasa.
Hindi tukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktimang ito, kundi bahagi lamang ng estadistika. Ang sumunod na Pilipinong nabiktima sa Kuwait ay kinilala — si Joanna Demafelis — at isinapubliko ang imahe ng isang magandang 28-anyos na breadwinner ng kanyang pamilya sa Iloilo. At labis na nakapangingilabot ang mga detalye ng kanyang pagkamatay, kaya imposibleng balewalain na lamang ito.
Ang pagkamatay ni Joanna ay isang mahalagang bahagi ng mahabang kasaysayan ng pagtatrabaho ng mga Pinoy sa iba’t ibang dako ng mundo at ng pangangasiwa ng ating pamahalaan sa programa nito para sa mga OFW — gaya ng kung paanong ang pamamaslang sa binatilyong si Kian delos Santos sa Caloocan City ay nagpabago sa Oplan Tokhang ng pamahalaan.
Ang mabilis at determinadong aksiyon ng Pangulo sa programa ng bansa para sa mga OFW sa Kuwait ay magwawasto sa mga maling patakaran na matagal nang ipinatutupad sa recruitment ng mga OFW. Bago pa man sila umalis sa ating bansa, mahalagang mapanatili ng ating gobyerno ang pagsubaybay sa kanila upang matiyak ang kanilang proteksiyon laban sa mga pang-aabuso sa mga bansang kanilang pinagtatrabahuhan.