KATANGGAP-TANGGAP ang kautusan ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na itigil na nina dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Bise Presidente Leni Robredo ang pagdedetalye sa publiko ng tungkol sa election protest ni Marcos.
Sa halip na pag-usapan sa PET, na binubuo ng lahat ng miyembro ng Korte Suprema, inilabas ng mga ito sa publiko ang kanila-kanilang pahayag kaugnay ng kinahihinatnan ng kaso.
Sinasabi marahil ng karamihan ay hinahangad lamang ng dalawa na makakuha ng suporta ng publiko sa kanilang ipinaglalabang usapin dahil kailangan nila ito kapag kumandidato na naman sila sa mga darating na halalan.
Gayunman, isinapinal na ng PET ang pagpapatigil sa media operations ng dalawa. Samakatuwid, sa ilalim ng subjudice rule, hindi dapat maglalabas ng mga komento ang mga nasasakdal at ang mga abogado ng mga ito kaugnay ng kinahihinatnan ng kanilang kasong nakabimbin pa sa PET. Hindi kasama sa subjudice rule ang patas at tamang pag-uulat sa kung ano ang tunay na nangyari sa loob ng hukuman. Tinitiyak lamang nito kapag dinesisyunan na ng PET ang kaso ay batay lamang sa iniharap na ebidensiya na hindi nahaluan ng “impluwensiya, diskriminasyon at simpatiya.”
Tinalo ni Robredo si Marcos sa botong 263,473 noong 2016. Inihayag naman ni Marcos na dinaya siya kasabay ng paghahain niya ng protesta noong Hunyo 29, 2016. Kinukuwestiyon nito ang resulta ng boto sa 132,446 na presinto sa Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental. Naghain naman ng kontra-protesta si Robredo noong Agosto 15, 2016 na kumukuwestiyon sa resulta ng boto sa 30,000 presinto sa ilang lalawigan kung saan nanalo si Marcos.
Sa mga sumunod na buwan makaraang ihain ni Marcos ang kanyang protesta, nagdaraos ng mga press conference ang magkabilang panig para maglabas ng kanya-kanyang pahayag sa iba’t ibang aspeto ng kaso. Pinagtalunan nila ang mga service fee na kinailangan nilang bayaran—P66 milyon kay Marcos at P15.43 milyon naman kay Robredo—at inilahad ang mga gagawin nilang hakbangin upang malikom ang nasabing halaga sa tulong ng kani-kanilang mga tagasuporta.
Oktubre 2017 nang sinimulan ng Commission on Elections na i-decrypt at iimprenta ang mga imahe ng balota mula sa tatlong paunang probinsiyang kinukuwestiyon ni Marcos, ang Camarines Sur, Iloilo, at Negros Oriental. Kamakailan ay nagdaos si Marcos ng press conference at ipinakita roon ang ilang balota na may mga kuwestiyonableng marka, bilang suporta sa iginigiit niyang nagkaroon ng pre-shading sa ilang balota, hindi nabasa nang maayos ang ilang balota, pre-loaded ang ilang digital cards, at iba pa.
Sa nasabing sudjudice order ng PET, wala nang idaraos na mga press conference, at hindi na rin maisasapubliko ang mga ebidensiya. Dahil dito, tanging sa PET na lamang ipiprisinta ang anumang ebidensiya sa kaso.
Muling magko-convene ang PET sa Marso 19 upang simulan ang manu-manong pagbilang sa mga boto sa tatlong lalawigang kinukuwestiyon ni Marcos. Ang mismong pagbibilang ay magiging mahaba at nakakapagod, dahil mayroong 132,446 na voting precinct na susuriin ang mga balota at manu-manong bibilangin. Ang bilang ng mga boto sa bawat voting precinct ay ikukumpara sa bilang ng makina. Magkakaroon ng mga hindi pagkakapareho sa visual assessment ng mga balota. At sa huli, matapos silang magkasundo sa resulta ng manu-manong bilangan, sisimulan naman nila ang pag-aksiyon sa kontra-protesta ni Robredo sa 30,000 voting precinct.
Kailan makukumpleto ang muling pagbibilang ng boto para sa Presidential Electoral Tribunal? Walang makakapagsabi sa ngayon. Ang alam lang natin ay wala pang vice presidential protest ang nakumpleto, dahil na rin sa kakapusan ng panahon. Ang huling protestang tulad nito ay ang kay Mar Roxas laban kay Jejomar Binay na tumalo sa kanya noong 2010. Naubusan na ng oras ang pagkumpleto sa proseso at sa huli ay iniurong na lang ng una ang kanyang protesta upang makapaghain ng kandidatura sa pagkapresidente noong 2016.