Ni Jun Aguirre at Tara Yap

BORACAY ISLAND - Isang resort owner ang may kakaibang hamon para patunayang malinis ang tubig sa isla ng Boracay sa Aklan—at tinatawag itong Mumog Challenge!

Ayon kay Crisostomo Aquino, may-ari ng kontrobersiyal na Westcove Resort, ito ang hamon niya makaraang tawagin ni Pangulong Duterte na “cesspool” ang Boracay, na pangunahing tourist destination sa bansa at ilang beses nang kinilala bilang pinakamagandang isla sa mundo.

Depensa si Aquino, ang dalampasigan ng kanyang resort ang pinakamalinis sa Boracay.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Isinagawa niya ang Mumog Challenge—o imumumog sa bibig ang tubig mula sa dagat—sa isang YouTube video, na mayroon nang 68,000 views.

Unang nakilala bilang flag bearer sa dating laban ni Senator Manny Pacquiao, sa kabila ng kanyang hamon ay nagpapasalamat naman si Aquino sa naging hakbangin ng Presidente na linisin ang Boracay sa mga ilegalidad.

Kaugnay nito, tiniyak ng pamahalaang bayan ng Malay sa Aklan na makikipagtulungan ito sa administrasyong Duterte sa paglilinis sa Boracay.

“The municipal government offers its full cooperation in the rehabilitation of Boracay within six months,” saad sa pahayag ng pamahalaang bayan nitong Lunes.

Ito ang unang beses na naglabas ng pahayag ang Malay, na pinamumunuan ni Mayor Ciceron Cawaling, tungkol sa isyu.