Magsasagawa ng preliminary examination ang Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC) sa mga alegasyon na simula Hulyo 1, 2016 ay libu-libong katao na ang napatay sa kampanya ng Pilipinas kontra ilegal na droga, ang ilan ay sa patayan sa pagitan ng mga sindikato, habang ang ilan ay dahil sa umano’y extra-judicial killings sa mga operasyon ng pulisya.

Binigyang-diin ni ICC Prosecutor Fatou Bensouda na ito ay preliminary examination lamang. At depende sa matutuklasan ng pagsusuri, maaaring (1) irekomenda ng prosecutor ang imbestigasyon, sa sasailalim sa judicial review, at patuloy na kumalap ng impormasyon upang matukoy ang factual at legal na basehan para maihain ang kaso sa ICC; o (2) tumangging maglunsad ng pormal na pagsisiyasat dahil walang matibay na dahilan upang gawin ito. “As we do, we hope to count on the full engagement of the relevant national authorities,” aniya. Bukod sa Pilipinas, maglulunsad din ang Office of the Prosecutor ng preliminary examination sa mga kaso sa Venezuela.

Dapat na payuhan ang Pilipinas na palawigin ang pakikipagtulungan nito sa isasagawang preliminary examination ng ICC prosecutor. Lumagda ang bansa sa Rome Statute. Naglagak ito ng instrument of ratification ng Statute sa Agosto 30, 2011, na kumikilala na simula Nobyembre 1, 2011 ay may hurisdiksiyon na ang ICC sa mga krimeng saklaw ng Rome of Statute—tulad ng genocide, crimes against humanity, at war crimes—na nangyari sa teritoryo ng Pilipinas o ginawa ng mamamayan nito.

Inihayag na ng ating Commission on Human Rights (CHR) na handa itong ayudahan ang ICC prosecutor. Hinimok din ni CHR Chairman Jose Luis Gascon ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng gobyerno na makipagtulungan sa preliminary examination, partikular na ang Department of Justice at ang Philippine National Police (PNP).

Tanggap naman ng karamihan ng mamamayan ang kampanya ng bansa kontra droga, subalit may mga hindi magagandang insidente na naugnay dito, gaya ng pagpatay sa mga binatilyong tulad ni Kian delos Santos ng Caloocan, na nasampahan na ng mga kaso ang ilang pulis na isinasangkot sa krimen. Mistulang sinamantala ng ilang “scalawags” sa pulisya ang pambansang kampanya upang isagawa ang sarili nilang mga balakin.

Nagsasagawa na ang pamahalaan ng sariling imbestigasyon sa mga kasong ito. Sinuspinde rin ng PNP ang mga operasyon nitong “Tokhang” sa loob ng ilang buwan at ngayon ay muling ipinatutupad nang may mga istriktong patakarang dapat sundin ng mga pulis, tulad ng paggamit ng mga body camera at pagkatok lamang sa araw sa bahay ng mga hinihinalang sangkot sa droga na nais pasukuin. Sinisiyasat na ng Korte Suprema ang pagkamatay ng nasa 4,000 katao sa mga operasyon ng pulisya kontra droga.

Dapat na ipabatid sa ICC prosecutor ang mga hakbangin at mga patakarang ito sa pamamagitan ng masusing pakikipagtulungan dito ng lahat ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan. Kumpiyansa tayong kung makikipagtulungan ang lahat sa preliminary examination ng ICC prosecutor, wala siyang makikitang dahilan upang isulong ang pormal na imbestigasyon sa genocide, crimes against humanity, o war crimes alinsunod sa Rome Statute.