10-game streak sa Jazz; GS Warriors, sumubok ng diskarte

OAKLAND, Calif. (AP) — Bagong boses ang nadinig sa bench ng Golden State Warriors – boses mula sa mga mismong players. At tila, hindi nabigo si coach Steve Kerr sa sinubukang istilo.

Sa pangunguna ni Draymond Green, nagpapagaling sa injury sa kaliwang kamay, pinabayaan ni Kerr na mag-usap-usap ang mga players sa timeout para gumawa ng play at impresibo ang resulta, 129-83 , laban sa Phoenix Suns nitong Lunes (Martes sa Manila).

“It’s the players’ team,” pahayag ni Kerr. “It’s their team and they have to take ownership of it. As coaches, our job is to nudge them in the right direction, guide them. We don’t control them. They determine their own fate. I don’t think we’ve focused well the last month. It just seemed like the right thing to do.”

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ayon kay Kerr, maaga pa niyang plinano ang bagong istilo matapos ang masaklap na kabiguan sa nakalipas na mga laro.

Sa ensayo sa umaga, si Andre Iguodala ang director sa shootaround, si JaVale McGee ang nagpatakbo ng computer para sa film session, habang sina Iguodala, Draymond Green at David West ang bumuo ng play.

“It had to do with me trying to reach my team and I have not reached them the last month,” sambit ni Kerr. “They’re tired of my voice. I’m tired of my voice. I wasn’t reaching them so we figured this was a good night to pull something out of the hat.”

Matapos ang laro, kaagad na nilapitan ni Kerr si Phoenix interim coach Jay Triano at kaagad na nagpaliwanag na ang kanilang aksiyon ay hindi pagmamaliit sa kakayahan o kawalan ng respeto sa Suns na unang koponan ngayong season na nagtamo ng 40 kabiguan.

Kumabig si Stephen Curry ng 22 puntos sa Warriors, habang kumana sina Omri Casspi ng 19 puntos at umiskor si Kevin Durant ng 17 sa Golden State na nagwagi sa ika-12 sunod sa heads-up laban sa Suns.

JAZZ 101, SPURS 99

Sa Salt Lake City, kumamada si Donovan Mitchell ng 25 puntos, tampok ang pull-up jumper sa huling 39.2 segundo para maitakas ang Utah Jazz laban sa San Antonio Spurs at hilahin ang winning streak sa 10.

Kumana si Joe Ingles ng 20 puntos, pitong rebounds at limang assists, habang tumipa si Derrick Favors ng 19 puntos at walong rebounds sa Jazz (29-28).

Kumubra si Kyle Anderson ng 16 puntos para sa Spurs, habang umiskor si Pau Gasol ng 15 puntos at 15 rebounds. Natamo ng Spurs ang ikatlong kabiguan sa Utah ngayong season.

CLIPPERS 114, NETS 101

Sa New York, ginapi ng Los Angeles Clippers, sa pangunguna ni Lou Williams na may 20 puntos, ang Booklyn Nets.

Humugot si DeAndre Jordan ng 16 puntos at 17 rebounds, at humirit si Austin Rivers ng 17 puntos. Kumana rin si Danilo Gallinari ng 16 puntos at umeksena si reserve Montrezl Harrell na may 15 puntos mual sa 6-for-6 shooting.

Nanguna sina D’Angelo Russell at Joe Harris na may parehong 16 puntos sa Nets, nabigo sa ikaanim na sunod na kabiguan.

BULLS 105, MAGIC 101

Sa Chicago, binasag ni Zach LaVine ang huling pagtabla sa kahanga-hangang dunk at senelyuhan ang panalo ng Bulls sa dalawang pressured –packed free throw.

Nag-ambag si Lauri Markkanen ng 21 puntos para sa Bulls.

Nabitiwan ng Bulls ang 18-puntos na bentahe sa fourth quarter, ngunit nagawang maagaw ng Chicago ang panalo.

Tumapos si LaVine na may 18 puntos at pitong rebounds, habang tumipa si Bobby Portis ng 19 puntos at pitong boards, at si Jerian Grant ay may 14 puntos at pitong assists.

Sa iba pang laro, nakopo ng Philadelphia 76ers sa ikaapat na sunod na panalo nang pabagsakin ang New York Knicks; ginapi ng New Orleans Pelicans ang Detroit Pistons.