Cavs, matatag sa pagkawala ng 2 ex-MVP.

ATLANTA (AP) — Nagtaktak ng anim na players ang Cavaliers, kabilang ang dalawang dating MVP. Ngunit, ‘tila tama ang desisyon ng management.

Mas bumangis si LeBron James sa naitalang bagong triple-double at ratsada si Kyle Korver sa season-high na 30 puntos, tampok ang apat na sunod na three-pointers sa pagtatapos ng laro tungo sa 123-107 panalo laban sa Atlanta Hawks nitong Biyernes (Sabado sa Maynila).

Humabol sa trading deadline ang Cavaliers nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) nang ipamigay ang guards na sina Isaiah Thomas, Derrick Rose, Dwyane , Imam Sumpert, Frye at dalawang future rookie draft sa three-team deal.

Kauna-unahang Olympics gold medal, ipinasusubasta sa nasa halagang <b>₱31M</b>

Tumipa si Korver, dating paborito ng Hawks fans, ng 7 of 13 sa three-point range, habang kumubra si James ng 22 puntos, 17 assists at 12 rebounds. Nag-ambag si Jeff Green ng 24 puntos.

Dumating na ang mga bagong recruit na sina George Hill, Jordan Clarkson, Larry Nance Jr. at Rodney Hood sa Cavs, ngunit nakatakda silang maglaro sa Linggo (Lunes sa Maynila) laban sa Boston Celtics.

“It can be good for us offensively and defensively, starting all over and breaking everything down from scratch will be good for this team,” pahayag ni coach Tyrone Lue. “Even guys who have been here, I think it will be good. It will take some time to do that but we’ve got the All-Star break coming up. ... We’ll try to get those guys up to speed as quickly as possible.”

Nanguna si Dennis Schroder sa Atlanta sa naiskor na 25 puntos.

CLIPPERS 108, PISTONS 95

Sa Detroit, natamo ni Blake Griffin ang unang kabiguan bilang isang Piston nang pabagsakin ng dati niyang katropa sa Los Angeles Clippers ang Detroit.

Nanguna si Lou Williams, kapipirma lamang ng three-year extension, sa naiskor na 26 puntos para tuldukan ang five-game winning streak ng Detroit mula nang nakuha ang serbisyo ni Griffin. Nag-ambag si Tobias Harris ng 12 puntos at may 10 puntos si Avery Bradley. Ang dalawa ang ipinampalit ng Detroit kay Griffin.

PACERS 97, CELTICS 91

Sa Boston, naisalba ng Indiana Pacers ang matikas na pagbangon ng Celtics mula sa 26 puntos na paghahabol para mapatahimik ang Celtics.

Ratsada si Miles Turner na may 19 puntos, at kumana ng tig-13 puntos sina Bojan Bogdanovic at Thaddeus Young.

Kumubra si Kyrie Irving ng 21 puntos para sa Boston, habang umiskor si Jaylen Brown ng 16 puntos at tumipa si Al Horford ng 10 puntos sa Boston.

Galing ang Boston sa pahirapang 110-104 sa overtime sa Washington nitong Huwebes.

BULLS 114, WOLVES 113

Sa Chicago, hataw si Zach LaVine sa naiskor na 35 puntos laban sa dating koponan, habang nabigo si Jimmy Butler na magabayan ang Wolves laban sa dating kagrupo.

Nagsalansan si Butler ng 38 puntos, ngunit bumalikwas ang Bulls sa matikas na pagtatapos para matuldukan ang seven-game losing streak. Naitala ni LaVine ang walong puntos sa loob ng 1:11.

Nagpalitan ng pagbulso at nagmintis si Butler sa three-pointer sa krusyal na sandali.

Sa iba pang resulta, nagbalik sa Miami si Dwyane Wade sa masayang pagsalubong, at sa 91-85 panalo laban sa Milwaukee Bucks; nahila ng Utah ang winning streak sa walo nang pabagsakin ang Charlotte Hornets, 106-94; ginapi ng Houston Rockets ang Denver Nuiggets, 130-104.