Ni Aris Ilagan
TALAGA nga namang napapaangat ang aking puwit habang pinanonood ang video footage sa pagwasak ng 20 luxury vehicle sa tatlong sangay ng Bureau of Customs (BoC) sa Manila, Cebu, Davao City.
Walang kalaban-laban ang mga mahahaling sasakyan nang sagasaan ng mga bulldozer at backhoe habang nakahelera at pinanonood ni Pangulong Digong Duterte at mga alipores nito.
Mistulang ‘summary execution’ ang inabot ng mga luxury vehicle sa kamay ng mga dambuhalang heavy equipment.
Siguradong lumuluha ang mga smuggler habang pinanonood sa kani-kanilang telebisyon ang pagwasak sa mga sasakyan.
Parang mga bulang naglaho ang bilyung pisong dapat nilang kikitain sa pagpupuslit ng mga luxury vehicle.
Hindi na umubra ang istilo ninyong bulok dahil hindi nila sila pinaporma ni Digong sa pagsalba ng mga smuggled car.
Bilib din ako sa operator ng mga bulldozer at backhoe dahil sa ipinamalas nilang husay sa pagbalanse ng kanilang heavy equipment habang sinasagasaan ang mga impounded vehicle.
Mas nakabibilib nang sumampa ang bulldozer sa mga luxury SUV dahil sa kabila ng pagiging matangkad ng mga sasakyan ay hindi tumagilid ang heavy equipment na posibleng natuloy sa pagtaob nito.
Malaki ang posibilidad na inensayo ng mga operator ang kanilang ginawang pagsagasa sa mga sasakyan.
Teka muna. Parang mayroong isinalbang luxury vehicle mula sa ‘summary execution.’
Nasaan ang mamahaling McLaren sports car na nakumpiska rin ng Customs authorities? Bakit hindi ito isinama sa mga sinagasaan?
Ito ay sa kabila nang ilang lumabas na ulat na kasama ito sa mga dudurugin. Bakit biglang naging ‘exempted’ ang McLaren?
Umapela ba ang importer na ito ang nangakong babayaran ang tamang buwis kaya’t hindi ito tinuluyan?
Halos lahat ng mga dinurog ang mga used vehicle. Ibig sabihin, mas maliit na buwis ang masisingil nito hindi tulad ng mga isinalbang luxury vehicle.
Sa kabila nito, malinaw ang mensahe ni Pangulong Digong.
Tigilan niyo na ‘yang smuggling operations.
Suwerte ng mga smuggler at hindi Oplan Tokhang ang ginamit ni Pangulong Digong para mapuksa ang smuggling.
Marahil ay lubos ang pasasalamat ng mga lehitimong car importer at auto manufacturer sa bansa sa isinagawang ‘condemnation of smuggled cars.’
Ito ang unang pagkakataon na ipinag-utos ng Pangulo, ang pagsira sa mga nasabat na sasakyan upang magsilbing leksiyon sa mga smuggler.
Sana’y hindi lamang ito pam-press release ng Malacañang upang madagdagan ang ‘pogi points’ ng Pangulo.
Alam nating matagal nang namamayagpag ang smuggling sa bansa, lalo na kung malapit na ang eleksiyon.