Ni Leonel M. Abasola at Antonio L. Colina IV

Sinasabing nangatog si Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III nang tanggihan nitong imbestigahan ang resolusyong naglalayong silipin ang mga bank account ni Pangulong Duterte at ilang miyembro ng pamilya nito.

Ayon kay Senator Antonio Trillanes IV, ikinasa niya ang resolusyon matapos na maghamon ang Pangulo na maaari siyang imbestigahan sa usapin.

Kahapon, pormal nang ikinasa ni Trillanes ang Senate Resolution No. 602 na layuning siyasatin ang bank accounts ng pamilya Duterte.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Masyado naman siyang ninenerbyos agad para sa amo niya. I filed a valid resolution and it should be referred to the Committee on Banks as stated. This would just be part of the oversight functions of the Senate. Senator Pimentel, even as Senate President, has no power to disallow its referral,” ani Trillanes.

Depensa ni Pimentel, kung may sapat na ebidensiya si Triillanes ay sa korte na lamang ito magsampa ng reklamo, at ang Senado ay nakatuon lamang sa lehislatura.

Nakahanda naman si Senator Francis Escudero na imbestigahan ang resolusyon ni Trillanes kapag bumagsak ito sa kanyang komite.

“If it is referred to me, it’s my policy to hear all resolutions and bills referred to any of my committees. However, as to how far we can go would depend on the cooperation of the depositors concerned,” ani Escudero.

Kaugnay nito, sinabi ng presidential daughter na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio si Trillanes na “confused and going crazy” sa pagsusumite sa nasabing resolusyon, na ayon sa alkalde ay isang kasinungalingan.

Sa kabila nito, sinabi ni Carpio na wala siyang balak na magsampa ng kaso laban kay Trillanes dahil “I still respect crazy people.”

Tiniyak din niyang handa siyang magpakita sa Senado kapag naglabas ito ng subpoena para sa kanya.