JAKARTA – Winalis ng Team Philippines ang huling tatlong laro para sa dominanteng 4-1 panalo kontra Indonesia sa kanilang Davis Cup Asia-Oceania Zone Group II tie nitong Linggo sa Gelora Bung Karno Tennis Stadium Complex dito.

Ginapi ng tambalan nina Southeast Asian Games veteran Francis Casey Alcantara at Jurence Mendoza ang karibal na sina Justin Barki at David Agung Susanto, 7-6, 6-3, sa doubles match, bago sinundan nang tagumpay nina Albert “AJ” Lim Jr. at John Bryan Decasa Otico sa reverse singles.

Sinimulan ang ikalawang araw ng duwelo na tabla sa 1-1 matapos paghatian ang unang singles match nitong Sabado.

Nagwagi si Lim kontra Muhammad Althaf Dhaifullah, 6-3, 6-2, habang nabigo si Jeson Patrombon laban kay David Agung Susanto, 6-2, 7-5.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Hataw ang 18-anyos na si Lim, ranked No. 1371 sa Association of Tennis Professionals (ATP) singles rankings, sa naiskor na siyam na ace tungo sa 6-3, 6-4 panalo kontra David Agung Susanto.

Sa panalo, naipaghiganti ni Lim, team captain ng University of the East sa UAAP championship sa nakalipas na season, ang kabiguan nalasap sa kamay ni Susanto sa kanilang paghaharap sa Davis Cup tie sa Manila sa nakalipas na taon.

Hindi naman nagpahuli ang 18-anyos na si Otico, pinakabatang naging kampeon sa Philippine Columbian Association men’s division (2017), nang daigin si Anthony Susanto, 6-3, 6-3.

Sunod na makakaharap ng Philippines ang Thailand sa second round ng tie na gaganapin sa Manila sa April 7-8. Nagwagi ang Thailand kontra Sri Lanka, 3-2, nito ring Linggo sa Sri Lanka Tennis Association sa Colombo.

Sa PH Cuppers, si Patrombon ng Iligan City ang pinakabeterano bilang bahagi ng koponan mula noong 2011, habang sina Alcantara at Lim ay bahagi ng Southeast Asian Games sa Malaysia sa nakalipas na taon.

Habang si Mendoza ay miyembro ng Oklahoma State University (OSU) Cowboys. Nakalista siya bilang ikatlong player sa kasaysayan ng OSU na nakapagtala ng pinakamaraming panalo sa isang season.