Playoff nabuhay sa Pistons; Jazz, arangkada rin.

DETROIT (AP) — Sa isang iglap, nabuhay ang tyansa ng Detroit Pistons sa playoffs.

Umariba ang Pistons sa ikaapat na sunod na panalo, kabilang ang tatlo na kabilang na sa lineup ang bagong trade na si Blake Griffin, matapos gapiin ang Portland Trail Blazers, 111-91, nitong Lunes (Martes sa Manila).

jazz copy

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Hataw ang one-time slam dunk king at dating LA Clipper All-Star forward sa naiskor na 21 puntos, siyam na rebound at anim na assists para sandigan ang Detroit sa dominanteng panalo na muling nagpabalik sa Pistons sa .500 winning at makatabla ang Philadelphia sa No. 8 spot sa Eastern Conference.

Kumana naman si Andre Drummond ng 17 puntos at 17 rebounds, habang kumabig sina Anthony Tolliver ng 15 puntos at tumipa sina Reggie Bullock at Langston Galloway ng tig-13 puntos.

Humugot si Damian Lillard ng 20 puntos at umiskor si C.J. McCollum ng 14 puntos sa Blazers, galing sa nakapanghihinayang na kabiguan sa Boston mula sa buzzer-beating fadeaway jumper ni Al Horford nitong Linggo.

JAZZ 133, PELICANS 109

Sa New Orleans, nagsalansan si Rodney Hood ng 30 puntos sa ikalawang laro mula nang magbalik aksiyon sa tinamong pinsala sa leeg para pangunahan ang umiinit na Utah Jazz sa dominanteng panalo laban sa Pelicans.

Nag-ambag si Ricky Rubio ng 20 puntos at 11 assists, habang tumipa si Rudy Gobert ng 19 puntos at 10 rebounds sa Jazz, kumana ng 14 of 21 sa three-point area at 58.4 percent (52 of 89) overall para sa kanilang highest-scoring game ngayong season.

Nanguna si Jrue Holiday na may 28 puntos, habang kumana si Anthony Davis ng 15 puntos at 11 rebounds para sa New Orleans, nalaglag sa ikalimang sunod na kabiguan mula nang ma-bench si All-Star center DeMarcus Cousins bunsod ng season-ending left Achilles tear nitong Enero 26.

Umabante ang Jazz sa double digits na bentahe sa kabuuan ng laro at napalobo sa 20 puntos nang maisalpak ni Rubio ang driving layup para sa 116-96 sa kalagitnaan ng fourth quarter.

Anim na Utah players ang tumipa ng double digits, kabilang sina Derrick Favors na may 19, Joe Ingles 18 at Royce O’Neale 13.

MAGIC 111, HEAT 109

Sa Miami, binawi ng referee ang naunang tawag na ‘goaltending’ kay Bismack Biyombo sa tira ni Tyler Johnson may 2.8 segundo sa laro para mailusot ng Orlando Magic ang dikitang laro laban sa Heat.

Nagtabla ang iskor sa 111-all mula sa naturang aksiyon, ngunit nang ma-review ang video, klarong malinis na block ang depensa ni Biyombo dahilan para bawiin ang naung tawag na violation at makamit ng Magic ang panalo.

Nauna rito, naisalpak ni Magic forward Jonathan Simmons ang dunk para basagin ang huling pagtabla may 1:31 ang nalalabi. Nanguna si Mario Hezonja sa Orlando sa naiskor na 20 puntos.

Naisalpak ni Marreese Speight ang magkasunod na three-pointers para sa 12-2 run at kunin ang 99-89 bentahe ng Magic may 11 minuto ang nalalabi.

Nakabawi ang Heat sa naibabang 16-2 run at tuluyan naitabla ang iskor sa 109 mula sa layup ni Josh Richardson may 2:53 sa laro. Hataw si Richardson na may 20 puntos, habang kumabig sina Hassan Whiteside at Justise Winslow ng 19 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod.

WIZARDS 111, PACERS 102

Sa Indianapolis, nagsalansan si All-Star guard Bradley Beal ng 21 puntos at tumipa si Kelly Oubre Jr. ng 15 puntos sa panalo ng Washington Wizards sa Pacers.

Nakubra ng Wizards ang ikalimang sunod na panalo na wala ang premyadong guard na si John Wall at ikaapat na sunod laban sa Pacers.

Humugot si Bojan Bogdanovic ng 29 puntos, habang umeksena si Joe Young ng 17 puntos para sa Pacers, natuldukan ang six-game home winning streak.

Tulad ni Wall sa Wizards, hindi nakalaro sina Pacers guards Victor Oladipo (illness) at Darren Collison (left knee surgery).