ni Bert de Guzman
PARANG isang matapat at masugid na manliligaw at kapartner ng Pilipinas, ang European Union (EU) ay patuloy sa pag-aalok at pagbibigay ng ayuda sa ating bansa sa kabila ng katigasan ng ulo ng Duterte administration na tanggihan ang development assistance nito.
Para kay EU Ambassador Franz Jessen, laging bukas ang pintuan ng EU sa pagtulong sa Pinas na ngayon ay nasa ilalim ng gobyerno ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Naiisip marahil ng EU na ang relasyon nito sa Pilipinas ay magpapatuloy kahit wala na si PRRD sa puwesto na anim na taon lang sa trono.
Hindi dapat malagot ang maganda at matatag na ugnayan ng EU at PH dahil sa asar lang ang nakaupong presidente ngayon bunsod umano ng “pakikialam” ng EU sa illegal drug war ni Mano Digong, na kumitil (hindi sumawi) ng libu-libong suspected drug pushers at users.
Noong nakaraang buwan, pormal na tinanggihan ng gobyerno ang EU-Philippine Trade RelatedTechnical Assistance (TRTA) na nagkakahalaga ng 6.1 milyong euros o katumbas ng P383.64 milyon. Bakit tinanggihan ito? Dahil lang sa asar sa “pakikialam” ng EU? Sayang!
Maraming Pinoy ang nanghihinayang sa pagtangging ito ng Duterte administration dahil kailangan ng ating bansa ang ano mang tulong, lalo na ngayong wasak ang Marawi City, laganap ang kurapsiyon at di-masugpo ang bawal na gamot. Di ba ipinasa ang TRAIN Law para makakolekta ng malaking buwis, pero nagpapahirap naman sa mga mamamayan na kubang-kuba na sa dami at bigat ng mga buwis.
Siyanga pala, may nagtatanong sa akin kung ano na ang nangyari sa pamosong pahayag ni PDu30 na: “Just a whiff of corruption (scandal or anomaly), sisibakin ang puno ng tanggapan, ahensiya, departamento.” Eh bakit hanggang ngayon ay walang sinisibak sa PCSO na pugad daw ng kabulukan? Imagine, batay sa ulat, nalulugi ang gobyerno ng P4 bilyon kada buwan o P48 bilyon isang taon dahil sa STL na ginagawang pronta ng mga jueteng lord?
Sa news story ng isang broadsheet noong Martes, ganito ang nakalagay: “PCSO chief: Atong Ang offered P200-M bribe.” Diyos ko po, ang laking suhol nito. Ayon kay PCSO General Manager Alexander Balutan, inalok siya ni Atong Ang ng P200 milyon kada buwan noong Setyembre 2016 para makontrol ang Small Town Lottery (STL) sa buong bansa. Kasama raw ni Atong si Sandra Cam noon. Itinanggi ito ni Ang.
Showbiz naman tayo: Para kay Pia Wurtzbach, ex-Miss Universe 2015, wala sa plano niya ang pag-aasawa o pagpapakasal ngayong 2018. Si Pia ay nobya ni Marlon Stockinger, sikat na racer. Masaya raw siya sa kalagayan ngayon at maligaya na kasama si Marlon sa mga biyahe sa ibang bansa. Sa huling biyahe kasama si Marlon, nagtungo sila sa hometown ng kanyang nobyo sa Switzerland. Siyempre magkasama sa room.
Sabi ng mga showbiz fans, bakit nga siya mag-aasawa at patatali ngayon ay kumikita siya sa mga endorsement at pagganap sa movies. Mag-enjoy na muna siya dahil kahit walang kasal ay kapiling at kasama naman niya si Marlon sa mga paglalakbay. Pag nabuntis na lang siya saka pakasal, tulad ng ibang celebs. Ganoon ba ‘yun?